ANG pamosong Oplan Tokhang ay ang operasyon ng Philippine National Police (PNP) na pagbisita sa mga bahay-bahay sa bawat barangay para kumbinsihin ang mga adik at tulak ng mga ipinagbabawal na gamot, gamit ang diplomatikong paraan ng panunuyo at pakikiusap, na sumuko na sila sa mga awtoridad.

Ngunit dito sa aming lugar, sa Bgy. Bagbag, sa Novaliches, Quezon City — sa unang sigwada pa lamang ng Tokhang — kabalintunaang kung ano ang dami ng nagsisuko sa PNP ay sangkatutak din naman agad ang natumba at tinakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada. ‘Yun nga lang, kung hindi pa dahil sa media ay hindi masyadong mararamdaman na nagaganap pala ito sa aming paligid — dahil marahil kadalasan kasing ikinukubli ng mga birador ang kanilang gawa sa likod ng kadiliman ng gabi.

May pagkasarkastikong sabi ko pa nga sa aking mga kalugar: Hindi kumatok sa Bgy. Bagbag ang Tokhang, bagkus kami ay patuloy pa ring kinakatok sa ngayon ng kabi-kabilang “extrajudicial killings” o EJK. Gaya ng nadaanan ko papalabas ng aming subdibisyon nito lamang mag-aala una ng hapon ng Sabado—isang nakalatag na bangkay ng babaeng binaril daw ng dalawang nakasakay sa motorsiklo habang papalabas ng bahay ang biktima.

Ang pangyayaring ito lang ang natitiyak kong nalaman ng lahat kong kabarangay at pati na marahil ng iba pang kanugnog na barangay, dahil sa teribleng trapiko na idinulot ng nag-iisang bangkay na ito, na muntik na yatang makalimutang puntahan ng mga taga-SOCO ng Quezon City Police District (QCPD)-Novaliches Station. Mantakin mong 6PM na nang dumating ang mga pulis sa lugar ng krimen, halos limang oras matapos na itumba ang babae na napag-alaman kong bagong lipat lamang sa paupahang apartment sa may King Christian Street, sa loob ng Kingspoint Subdivision.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Hanggang sa ngayon ay walang malinaw na dahilan sa motibo ng naturang krimen, maliban sa bali-balitang “tulak” daw ito ng shabu at kung tawagin nila sa lugar ay si “Tomboy”. Parang walang gustong magsalita at wala rin akong naririnig kahit katiting na galit at reklamo ng mga kaanak ng binaril nang subukan... kong dumaan at makipagkuwentuhan sa ilang tagaroon.

Sa tingin ko pa nga, ang kumintal sa isipan ng mga taga-Barangay Bagbag nang araw na iyon ay ang biglaang pag-uusad-kuhol ng daloy ng mga sasakyan sa loob ng subdibisyong ito, na sadyang binuksan ng pamahalaang lokal ng Quezon City sa publiko upang maging shortcut na daan at makaiwas sa mas malalang trapiko sa Quirino Highway patungong Novaliches bayan.

(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]) (Dave M. Veridiano, E.E.)