Nasaktan ang 10 pasahero ng Metro Rail Transit (MRT)-3 sa biglaang pagkasira ng escalator sa Taft Avenue Station sa Pasay City, kahapon ng umaga.

Ayon kay MRT-3 General Manager Deo Manalo, dakong 9:45 ng umaga nang biglang huminto ang noon ay punumpunong escalator na ikinasugat ng ilang pasahero.

Nilinaw naman ni Manalo na pawang minor injuries lang ang tinamo ng mga hindi pinangalanang pasahero, gaya ng galos, bukol at gasgas, bagamat may dalawang napilayan ng kamay, habang dalawa pa sa kanila ang kinailangang turukan ng anti-tetanus.

Iginiit din ni Manalo na hindi naman sila nagkulang sa pangangasiwa sa MRT, sinabing sumasailalim sa rehabilitasyon ang ilan sa mga elevator at escalator ng MRT at inaasahang matatapos ito sa Enero hanggang Pebrero 2017.

National

27 volcanic earthquakes, naitala mula sa Bulkang Kanlaon

Matatandaang sa Taft Avenue Station din lumampas sa riles ang isang tren noong Agosto 2014, na ikinasugat ng 38 pasahero.

Nauna rito, magkasunod na nagkaaberya ang dalawang tren ng MRT kahapon ng umaga.

Ang unang aberya ay naganap dakong 6:37 ng umaga sa southbound lane ng Santolan Anapolis Station, habang ang ikalawa ay pasado 9:00 ng umaga sa southbound lane ng Boni Avenue Station.

Kaagad rin namang naibalik sa normal ang mga operasyon ng mga tren makalipas ang ilang minuto.

(BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO)