Ang mga kinakabahan na inilalayo ni Pangulong Duterte ang Pilipinas sa malapit na pakikipag-ugnayan sa Estados Unidos ay maaaring nagdadalawang-isip na ngayong nakipag-usapn na siya kay United States President-elect Donald Trump.
Wala ang magaspang na pananalita Presidente Duterte nang kontrahin niya ang pahayag ni Pangulong Barack Obama sa kanyang giyera laban sa droga. Kalaunan, ipinahayag niya ang pagtatapos ng joint military exercises na kasama ang mga sundalong Amerikano, bagamat binago niya ang kanyang paninindigan at sinabing ang susunod na joint exercises ay tutuon hindi para maitaboy ang ilang nagbabantang bansa kundi sa terorismo at korupsiyon. Sa kanyang pagbisita sa China, idineklara niya na nakahanda siyang makipag-alyansa sa China at Russia laban sa mundo.
Nitong nakaraang Biyernes, tinawagan ni Presidente Duterte si Presidente Trump upang batiin ito sa pagwawagi sa eleksiyon at namasdan ang pagkakaroon nila ng pagkakaunawan na hindi nakita sa nakaupo pang pangulo ng US. Kung sinabi ni Obama na kailangang iwasto ni Duterte ang kanyang mga ginagawa sa kanyang giyera laban sa droga – tinutukoy ang posibleng paglabag sa mga karapatang pantao – sinabi naman ni Trump kay Duterte na wasto ang kanyang ginagawa.
Nagkomento kalaunan si Presidente Duterte na naramdaman niya ang “good rapport” nila ni Trump, na nag-imbita pa sa kanya na bisitahin ito sa New York at Washington, DC, at inimbitahan din ito ni Duterte para dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa susunod na taon sa Pilipinas. Ang pag-uusap ay maaaring magpasimula ng pagbabago sa pagalit na pakikipag-ugnayan ni Duterte sa White House, ayon sa presidential spokesman na si Ernesto Abella.
Isinugo rin ng US ang bagong ambassador na si Sung Kim, na malayo sa imahe ng karaniwang American diplomat. Sa kanyang unang speaking engagement nitong Sabado ng gabi, dumating siya na nakaputing shirt, slacks, at loafers na walang medyas lamang. Tiyak na magkakasundo sila ni Pangulong Duterte.
Lahat tayo ay nagnanais magkaroon ng maayos relasyon sa iba’t ibang bansa, lalo na sa China at Russia, pero umaasa rin tayo noon pa na hindi ito magiging sanhi ng paglayo natin sa Estados Unidos. Ang matapat na pakikipag-usap ni Duterte kay Trump nitong nakaraang Biyernes ay nagpapahiwatig ng patuloy na pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa US sa kabila ng ipinatutupad nitong independent foreign policy.