Inihayag ni Senator Leila de Lima na nanganganib na ang kanyang buhay matapos na mabigong iugnay siya sa bentahan ng droga sa huling pagdinig sa Senado nitong Lunes.

Ayon kay De Lima, sanay na siya sa panganib pero higit siyang kinabahan sa babala na natanggap niya kagabi mula sa isang kaibigan na pinag-iingat na siya.

Aniya, batid niyang sinusubaybayan na ang kanyang mga pagkilos at galaw at maging ang kanyang komunikasyon ay natitiktikan na rin.

“I’m used to that pero iba ang pakiramdam ko ngayon,” ani De Lima.

National

'A season of renewal!' PBBM, nakiisa sa selebrasyon ng Lunar New Year

Muling itinanggi ni De Lima na kakilala niya ang drug lord na si Kerwin Espinosa, taliwas sa sinasabi ng mga testigo sa pagdinig kahapon.

Iginiit pa ni De Lima na pawang kasinungalingan ang mga testimonya ni Espinosa at ni Ronnie Dayan, at naniniwala din siya na may nagsusulsol sa kanyang dating driver-bodyguard upang idiin siya.

Samantala, pinahintulutan na kahapon na umuwi si Dayan makaraang manatili sa Senado matapos siyang ma-cite for contempt ni Senator Manny Pacquiao dahil sa hindi umano pagsasabi ng lahat niyang nalalaman.

Ineskortan si Dayan pabalik sa Pangasinan, kasama ang kanyang pamilya. (Leonel M. Abasola at Hannah L. Torregoza)