CEBU CITY – Isang 80-anyos na babaeng bulag ang nasawi makaraang hindi makalabas sa nasusunog niyang bahay sa Sitio CRCI, Archbishop Reyes Avenue sa Barangay Apas sa siyudad na ito, nitong Lunes.
Natagpuan ang sunog na bangkay ni Natividad Cabalan makaraang maapula ang sunog, na sumiklab dakong 2:26 ng hapon.
Ayon kay Cebu City Fire Marshall Rogelio Bongabong, nagsimula ang sunog sa bahay ni Gemma Balatong, na katatapos lang magluto ng pagkaing ilalako nito sa kalapit na Cebu IT Park.
Nasa 60 bahay ang natupok, at kasama sa mga nasunugan ang isang grupo ng mga bulag na kalilipat lang sa lugar mula sa Cebu City Home for the Blind sa Bgy. Barangay Banilad. (Mars W. Mosqueda, Jr.)