Rubout at hindi shootout.

Ito ang lumabas sa pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation kaugnay ng pagkamatay ni Albuerra, Leyte Mayor Rolando Espinosa at ng bilanggong si Raul Yap sa loob ng Leyte sub-provincial jail noong Nobyembre 5.

Napatay ang dalawa matapos umanong manlaban sa raid ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 sa loob ng nabanggit na piitan.

Batay sa nakalap na testimonya ng NBI mula sa ibang bilanggo, lumalabas na walang nangyaring palitan ng putok sa pagitan ng raiding team at sa panig nina Espinosa at Yap.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Ito rin ang lumitaw sa kanilang pagsusuri sa trajectory o direksyon ng mga bala sa loob ng bilangguan.

Imposible rin, ayon sa NBI, na makapagtago sina Espinosa at Yap ng mga baril at droga sa loob ng kani-kanilang selda, dahil katatapos lang magsagawa ng Oplan Galugad sa piitan noong Oktubre 30.

Iginiit ng NBI na malinaw na nagsabwatan ang mga respondent para isakatuparan ang pagpatay kay Espinosa at planado o premeditated ito. Maikokonsidera umanong nagkaroon ng abuse of superior strength sa panig ng CIDG dahil maituturing na walang kalaban-laban ang mga biktima.

Naniniwala rin ang NBI na planted ang mga ebidensiyang iginigiit ng pulisya na pag-aari ng mga biktima.

Dahil dito, kinumpirma kahapon ng NBI na kinasuhan na ng multiple murder ang 24 na pulis na nagsagawa ng raid, at pangunahing kinasuhan si CIDG-8 Director Supt. Marvin Marcos.

“It was filed with the Department of Justice last Friday,” ani Lavin. (BETH CAMIA)