Naitala ng University of Perpetual Help ang ‘twin kill’ laban sa Mapua sa NCAA Season 92 volleyball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Nagtala ng 13 puntos si Allan Jay Sala-an habang nagdagdag sI Esmail Kasim ng 11 puntos upang pamunuan ang defending men’s champion Altas sa 25-23, 25-18, 25-20 paggapi sa Cardinals.
Dahil sa panalo, umakyat ang Altas sa ikalawang puwesto kapantay ng St.Benilde at San Beda na may barahang 3-1. Nangunguna ang Arellano University (3-0).
Nanguna naman para sa Cardinals na bumagsak sa 2-3 karta si Rey Andaya na may 11 puntos.
Pinangunahan naman nina Ma.Lourdes Clemente at Cindy Imbo ang balanseng opensa ng Lady Altas upang makamit ang panalo.
Nagsalansan si Clemente ng 10 puntos, habang nagdagdag ng walong puntos si Imbo para giyahan ang Altas sa 25-15, 25-7, 25-19 panalo laban sa Cardinals.
Umangat ang Lady Altas sa 2-2, kapantay ang Jose Rizal University habang nanatili namang walang panalo ang Lady Cardinals sa 0-5. (Marivic Awitan)