May magandang balita mula sa Metro Rail Transit (MRT) na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Ave. (EDSA) mula North Ave. sa Quezon City hanggang Taft Ave. sa Pasay City.
Sinabi ng bagong MRT Officer-in-Charge na si Deo Leo Manalo na dinagdagan nila ang bumibiyaheng tren, mula sa 13 noong nakaraang taon ay 22 na ngayon. Sa kalagitnaan ng nakaraang buwan, sinabi niya na ang MRT ay may average na pasaherong 470,000 kada araw – nadagdagan ng 25 porsiyento kumpara noong Enero. Umabot ito sa 509,492 nitong November 18, ang pinakamataas na bilang na naitalang pasahero; ang nakaraang record ay 415,819 noong nakaraang Enero 22.
Sinabi niya na ang pag-igi ng serbisyo at karagdagang mga tren na bumibiyahe ay dulot ng maayos na trabaho ng bagong maintenance firm, ang Filipino-Korean joint venture na Busan Universal Rail, Inc., na nagsimula nitong nakaraang Enero. Tinulungan ng pangkat ng mga inhenyerong Korean ang mga Pilipinong engineer at technicians sa pagkumpuni ng 43 sa 73 light rail vehicles ng MRT.
Ilang buwan pa lamang ang nakararaan, naging mainit na isyu ang mahahabang pila sa MRT, na nagbunsod kay Sen. Grace Poe para pangunahan ang Senate investigation pagkaraang maranasan mismo ang pagpila at pakikipagsiksikan sa tren. Ang pila ay madalas na umaabot sa dalawa hanggang tatlong bloke. May mga tren na nasisiraan sa gitna ng biyahe, kaya napipilitang maglakad ang mga pasahero para marating ang isa sa 13 istasyon sa 16.9-kilometrong ruta.
Sa imbestigasyon sa palagiang mabagal na trapik sa EDSA, napag-alaman na ang MRT ang isa sa mga dahilan ng problema.
Kung mapapatakbo lamang ito nang maayos, maisasakay nito ang napakaraming tao na sumasakay ng mga bus at pribadong sasakyan patungo sa trabaho o sa eskuwelahan araw-araw. Ang iba pang mga lugar sa Metro Manila ay siniserbisyuhan ng iba pang rail systems, tulad ng Light Rail Transit (LRT) mula Monumento sa Caloocan City patungong Pasay City. Pero tila pinakamalubha ang problema ng trapik sa EDSA; kaya napagtutuunan ng pansin ang MRT.
Nananatiling hindi nalulutas ang problema sa trapik sa EDSA traffic hanggang ngayon. Hinihintay ng Department of Transportation ang pagbibigay ng emergency powers ng Kongreso upang maipatupad nito ang ilang naipanukalang mga solusyon. Hanggang hindi naipagkakaloob ang emergency powers na ito, tila walang gaanong magagawa para mapaluwag ang trapik sa EDSA.
Bagamat may mga plano rin para sa komprehensibong solusyon sa mabagal na trapik hindi lamang sa Metro Manila kundi ganoon din sa Cebu at sa iba pang matataong siyudad sa South, bibilang muna ng mga taon bago ito tuluyang maipatupad.
Makikita sa kaluwagang dulot ng tinatrabaho ngayon sa MRT na kahit wala pa ang hinihintay na emergency powers, ang iba’t ibang ahensiya at organisasyon ay maaaring makapag-ambag ng kani-kaniyang solusyon sa pagpapaluwag ng trapik sa kahabaan ng EDSA.