Uulanin ng daan-daang meteor o bulalakaw ang kalangitan ng Pilipinas hanggang sa gabi ng Disyembre 17.

Magliliwanag ang “shooting stars” mula sa constellation ng Gemini mula Disyembre 4 hanggang 17, at ang pinakamarami ay masasaksihan sa gabi ng Disyembre 14 hanggang sa madaling araw ng Disyembre 15, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kapag madilim at maaliwalas ang kalangitan, masasaksihan ilang sandali makalipas ang hatinggabi ang pinakasukdulan ng pag-ulan ng “falling stars” sa average rate na 40 bulalakaw kada oras, dagdag ng ahensiya.

Ayon sa PAGASA, natatangi ang Geminids shower sa iba pang meteor showers dahil hindi ito nagmumula sa isang comet kundi sa isang asteroid, ang 3200 Phaethon.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Ang mga bulalakaw mula sa shower na ito ay napakabato at magaspang kayat mas madaling makita kumpara sa iba.

Ang mababagal na bulalakaw na ito ang ay unang naobserbahan noong 1862. Pinaniniwalaan na lumalakas ang meteor showers bawat taon at nitong mga nakalipas ay nasilayan ang 120-160 bulalakaw kada oras sa ilalim ng pinakamagandang kondisyon, at karaniwan ay dakong alas dos hanggang alas tres ng umaga.

Sinabi ng PAGASA na magkakaroon ng malalaking shooting stars na makikita ng karaniwang mata at hindi na kailangan ng telescope.

Nakaharap sa silangan, ang shooting stars ay magmumula sa Gemini constellation na halos 15 degrees above the horizon.

(Ellalyn B. De Vera)