BINIRO namin si Ronnie Alonte nang makakuwentuhan namin sa 2016 Metro Manila Film Festival countdown na sikat na siya dahil dalawa ang pelikula niya sa filmfest, ang Vince and Kath and James at Seklusyon.
So, saang float siya sasakay sa gaganaping Parade of the Stars sa Disyembre 23?
“Hindi ko po alam, eh,” natawang sagot ng binatilyo.
Siya ang bida sa Seklusyon at third wheel naman siya sa Vince and Kath and James.
“Iyon po ang sabi ko rin, na dapat sa Seklusyon kasi nga po sa Vince and Kath and James, nandoon na sina Julia (Barretto) at Joshua (Garcia), so do’n na lang,” tumatawa pa ring sabi ng bagitong aktor.
Bago ganapin ang Metro Manila filmfest ay lilipad muna si Ronnie patungong Macau para sa Macau International Film Festival dahil kasali rin doon ang Seklusyon.
“Kasama po ang Seklusyon kaya nakakatuwa, sa December 11 po ‘yun kaya lilipad kami siguro that day. Sana po makabingwit din tayo ng award doon,” masayang sabi ng binatilyo.
At dahil sikat na at magiging hectic na ang schedules, iiwan na ba ni Ronnie ang Hashtags?
“Hindi po, never po, madadagdagan lang ang Hashtag, hindi mababawasan po, magkakaroon nga po ng audition kasi magdagdag pa ng anim, so mga 18 or 19 na po kaming lahat,” nakangiting kuwento ng binatilyo.
Ano ang pakiramdam niya na dalawa ang entry niya sa MMFF, at umaasa ba siya ng award?
“Ano po pakiramdam ko? Simple lang, siyempre kahit po magka-project ako ng ganito, hindi ko naman po sila (Hashtag) niyayabangan, kasi naniniwala ako na darating din sa kanila ang mga projects, nauna lang siguro ako, lahat sila mabibigyan sila.
“’Yung tungkol sa award, mahirap kasi kung nag-expect ka, kung ano na lang ang dumating. Like si Jameson (Blake), hindi naman daw niya ini-expect na magiging Best Supporting Actor siya, malay mo, ganu’n din ang mangyari sa akin.
Tulad nito, hindi ko rin naman ini-expect na magkaka-movie ako, bigla na lang,” katwiran ni Ronnie.
Samantala, si Julia na ang magiging ka-love team ni Ronnie dahil magkasama rin sila sa serye nina Ian Veneracion at Bea Alonzo mula sa Star Creative.
“Sa ngayon po kami ni Julia ang magka-love team,” sabi sa amin.
Marami na ang naka-love team ni Julia at lahat ay hindi kinagat ng tao, kaya may nagsasabi na baka si Ronnie na ang perfect guy bilang partner ng dalaga sa projects.
“Kinabahan ako ro’n, ah,” natawang sabi ng binatilyo. “Sana nga po, mag-click kami, sana nga po ako makatulong ako sa pag-angat. Trabaho lang po.”
Nakapag-workshop na si Ronnie.
“Dalawang advance and intro to acting, pero super tagal na po ‘yun at nag-Erik Matti rin po ako.”
Nakakapag-abot na siya sa pamilya niya ngayong kumikita na siya.
“Sa lolo at lola ko. Kahit na hindi nila kailangan ang tulong ko, nagbibigay po ako para madagdagan din ang blessing na dumarating sa akin.”
Nabili na ni Ronnie ang dream car niyang, “Sports car po, birthday gift ko sa sarili ko, Toyota GT86 po, magpapagawa po ako ng sarili kong bahay sa amin.”
Kamag-anak ba niya si dating Biñan Mayor Len Alonte na isa nang Kongresista ngayon.
“Opo, tita ko po, pinsang buo ni Papa, hindi po kami mayaman, naging mayor lang po tita ko,” pag-amin ni Ronnie.
(REGGEE BONOAN)