Ipinamalas ni George Luis Oconer ang katatagan at diskarte para pamunuan ang ikatlo at huling qualifying race para sa LBC Ronda Pilipinas 2017 edisyon.

Nagawang madomina ni Oconer ang karera na nagsimula sa Bacolod City at natapos sa tirik na akyatin sa bundok ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental nitong Linggo.

Nalagpasan ng 24-anyos na si Oconer, bitbit ang koponang Go for Gold, ang matinding hamon nang ipinagmamalaki ng Cebu na si Jaybop Pagnanawon sa pagwawagi sa 117-kilometrong karera sa loob ng tatlong oras, 39 minuto at 18.691 segundo.

Si Pagnanawon, anak ni 1986 Marlboro Tour champion na si Rolando, ay nagtala ng 3:40:09.663 para tumapos sa ikalawa na nagsiguro ng isang silya sa tampok na main LBC Ronda race na sisikad sa Pebrero 4 hanggang Marso 4.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Pag-aagawan sa 2017 Ronda Pilipinas ang P1 milyong premyo para sa kampeon mula sa presentor LBC at major sponsors na Mitsubishi, Petron, ASG Group, Dans360 at Donen habang sanctions din ng PhlCycling sa pamumuno ni Abraham “Bambol” Tolentino.

Pumangatlo naman kay Oconer ang Go for Gold team captain na si Ronnel Hualda sa 3:41:25.098.

Matatandaan na nanguna rin si Oconer sa unang qualifying race sa Subic Bay nakaraang buwan na nagpapakita ng matinding kahandaan at kaseryosohan nito upang tuluyang masungkit ang kauna-unahang korona sa susunod na edisyon matapos ang ilang beses nitong pagtatangka.

“I’m just focused right now on preparing for the main event,” sabi ni Oconer, nagtapos lamang sa pinakamataas na ikalawang puwesto nakaraang taon at pinakamababa sa ika-13 puwesto apat na taon ang nakalipas.

Sinabi naman ng 27-anyos na si Pagnanawon, na hangad nitong makumpleto ang kanyang pangarap.

“My dream is to achieve what my father achieved, which is to win a tour,” sabi ni Pagnanawon.

Isa pang Pagnanawon, ang nakababata na si Jhundie ang nakapagkuwalipika matapos na pumanglima sa itinalang oras na 3:43:04.477.

Ang bumuo sa Top 10 ay sina Elmer Navarro ng Go for Gold (3:42:54.930), Ismael Grospe, Jr. (3:43:04.622), LBC-MVP Foundation Ronnilan Quita (3:50:11.981), Jigo Mendoza (3:50:12.912), James Paolo Ferfas (3:56:20.738) at si Edwin Nacario (3:57:32.784).

Sisimulan naman ang main race sa Pebrero 4 sa isasagawang dalawang stages sa Ilocos Sur bago magtungo sa Angeles (Peb. 8), Subic (Peb. 9), Lucena, Quezon (Peb. 12), Pili, Camarines Norte (Peb. 16), Daet (Peb. 17), Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Peb. 19), Tagaytay at Batangas (Peb. 20), Calamba at Antipolo (Peb. 21), Bacolod, Don Salvador at San Carlos (Peb. 28) bago magtapos sa dalawang karera sa Iloilo City sa Marso 3 at 4. (Angie Oredo)