Sa halip na sundin ang utos ni Pangulong Duterte na magbitiw siya sa tungkulin, naghain lang ng isang-buwang leave si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Jose Vicente Salazar habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa alegasyon ng katiwalian sa komisyon, na ibinunyag ng nagpatiwakal na si ERC Director Francisco Jose “Jun” Villa, Jr.
Sa isang press statement, sinabi ni Salazar na ang kanyang leave ay “effective immediately”.
Itinalaga rin niya si Commissioner Geronimo Sta. Ana bilang Officer-In-Charge (OIC) ng komisyon habang siya ay nakabakasyon.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Duterte na magbitiw ang lahat ng opisyal ng ERC sa gitna ng alegasyon ng katiwalian na ibinunyag ni Villa sa suicide note nito.
Pinabulaanan naman ng mga ERC official ang akusasyon laban sa kanila at tumangging magsibaba sa puwesto.
(Mary Ann Santiago)