Hindi umubra si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa kay Senator Leila de Lima hanggang sa napaamin siya nito na ang “kumpare” na umarbor sa opisyal ng pulisya ay ang close aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.

Sa pagpapatuloy kahapon ng pagdinig ng Senado tungkol sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, napaamin si Dela Rosa na si Go ang tumawag sa kanya bago ipinasa nito ang telepono kay Pangulong Duterte.

Tinanong ni De Lima si Dela Rosa kung bakit hindi nito agad sinagot ang tanong kung sino ang kumpareng nag-utos dito para ibalik sa puwesto si Supt. Marvin Marcos.

“Bakit hindi n’yo kaagad sinabi sa amin at sa publiko na ‘yung nag-utos sa inyo ay mismong ang Pangulong Duterte? Nagpaikot-ikot ka pa, eh. Kumpare…ganyan, ganyan,” ani De Lima.

National

Sen. Marcoleta, tinanggap alok ng PH Bar Assoc: ‘Payag naman ako kahit kailan!’

Sagot naman ni Dela Rosa: “We are trained not to divulge. Alangan namang sabihin ko kaagad? May rason si Presidente bakit niya ipina-reinstate (si Marcos).”

Naipit si Dela Rosa sa tanong ni De Lima na kung hindi inamin ni Duterte na siya ang tumawag ay hindi naman ibubulgar ni Dela Rosa kung sino ang kumpare nito.

“Kung maipit, sasabihin ko. Magpalit tayo ng position your honor, ikaw maging chief PNP kung kaya mo,” ani Dela Rosa.

Dito na nagalit si De Lima at pinagsabihan si Dela Rosa na hindi ito puwedeng makipagtalo sa kanya. Pinaalalahanan naman ni Sen. Panfilo Lacson si Dela Rosa na sumagot nang maayos.

Sa matinding galit, kinuwestiyon din ni De Lima ang pagkakatayo ni Sandra Cam sa gallery ng session hall, at ipinaliwanag naman ni Lacson na nag-o-observe si Cam bilang pangulo ng Whistleblowers Association.

CONTEMPT KAY DAYAN

Iniwasan naman ni De Lima ang dating driver na si Ronnie Dayan, na dumalo rin sa pagdinig at iginiit na umabot sa P8 milyon ang naibigay ni Kerwin Espinosa sa senadora bilang pondo sa eleksiyon.

Pansamantala namang mananatili si Dayan sa kustodiya ng Office of the Senate Sergeant at Arms matapos siyang i-cite for contempt ni Sen. Manny Pacquiao dahil sa hindi raw makatotohanan na mga pahayag nito.

Una nang pinuna ni Lacson ang aniya’y “selective memory” ni Dayan.

Kinumpirma rin ng mga senador na napakaraming butas sa “script” ng mga pangunahing personalidad sa sana’y maglilinaw sa pagkamatay ng alkalde; sinabing hindi magkatagpu-tagpo ang mga pahayag nina Dayan, Kerwin at Albuera Police chief Insp. Jovie Espenido tungkol sa pangongolekta umano ng drug money para sa kandidatura ni De Lima.

Sa pagtatapos ng pagdinig, sinabi ni De Lima na pinatatawad niya ang lahat ng nagdidiin sa kanya matapos siyang manindigan na hindi niya kilala si Espinosa at imposible rin aniyang kilala ito ni Dayan.

“I forgive both of you, all of you. Hindi ko kayo sinisisi, hindi sa inyo. You are both vulnerable. In due time malalaman ko rin kung sinong nasa likod n’yo,” ani De Lima.