BORACAY ISLAND - Nagpahayag ng pagkaalarma ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagsuko ng 432 menor de edad, mula sa iba’t ibang probinsiya ng Western Visayas, sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang ibinunyag ni Katherine Joy Lamprea, ng DSWD Secretariat ng Regional Juvenile Justice and Welfare Council ng kagawaran.
Sa year-end forum para sa mga miyembro ng media sa Boracay, sinabi ni Lamprea na pinag-aaralan na nila ngayon kung paano mabibigyan ng livelihood assistance ang mga batang sangkot sa ilegal na droga sa rehiyon.
Ang nasabing bilang ng mga menor de edad ay sumuko sa pulisya simula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 30 ngayong taon.
Tutukuyin din umano ng DSWD ang mga dahilan kung bakit nasangkot sa ilegal na droga ang daan-daang menor de edad sa Western Visayas. (Jun N. Aguirre)