BILANG bahagi sa pagdiriwang ng Pasko, itinayo at pinailawan na ang walong Arkong Kawayan sa Cardona, Rizal nitong Disyembre 1. Ito ay pinangunahan ni Cardona Mayor Benny San Juan, Jr.

Masasabing natatangi at naiiba ang pagpapailaw sa walong Arkong Kawayan sapagkat sa nakalipas na 19 na taon ay laging nasa tabi ng munisipyo ng Cardona ang mga Arkong Kawayan na katapat ng simbahan.

Ngunit ngayong 2016 ay inilipat na ito sa Estacio Boulevard na malapit sa government center ng Cardona. Natatangi rin sapagkat ngayong December 1, 2016 ay ika-20 taon na ng pagtatayo at pagpapailaw sa mga Arkong Kawayan.

Ang tradisyon nasabing tradisyon ay sinimulan pa ni dating Cardona Mayor Benny San Juan, Sr. (ama ni Mayor Benny San Juan, Jr.). Layunin nitong maipakita at mapagyaman ang pagiging malikhain ng mga mamamayan sa paggawa ng Arkong Kawayan na itinuturing na bahagi ng tradisyon at kultura ng bayan.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

At mapalawak din ang turismo sa Cardona. Mula noon hanggang sa ngayon ay nagpatuloy na ang tradisyon. At palibhasa’y natatangi ang mga Arkong Kawayan, dinarayo na at naging tourist destination mula Disyembre 1 hanggang sa mag-Pasko.

Ayon kay Gng. Maribeth Calderon Felix, tourism officer ng Cardona, ang walong Arkong Kawayan ay kumakatawan sa walong barangay ng Cardona na nasa kabayanan tulad ng Barangay Calahan, Patunhay, Del Remedio, Real, Iglesia, San Roque at Barangay Looc. Ang Cardona ay binubuo ng 18 barangay.

Ang sampung barangay ay nasa Talim Island. Ang bawat Arkong Kawayan ay ginagawa ng kalalakihan sa nasabing walong barangay. Oktubre pa lamang ay tulung-tulong na sa paggawa ng Arkong Kawayan na may 20 talampakan ang taas. Sa paggawa ng mga Arkong Kawayan, nalalantad at nakikita ang creativity at talino ng mga taga-Cardona.

Tumitingkad lalo ang kagandahan ng mga Arkong Kawayan sa ikinabit na Christmas lights. Sa pagpapailaw sa Arkong Kawayan, nalalantad ang tunay na kahulugan ng Pasko: Banal na Pamilya, ang sanggol sa sabsaban, ang Tatlong Haring Mago, at iba pa. Naging mga panauhin sa pagpapailaw ng walong Arkong Kawayan sa Cardona ang bagong provincial tourism officer ng Rizal na si Dr. Corazon Lacerna at Gng. Josie dela Cruz, ang kinatawan ni Rizal Gov. Nini Ynares. Sa bahagi ng mensahe ni Cardona Mayor Benny San Juan, Jr., sinabi niya na makasaysayan ang pagpapailaw sa mga Arkong Kawayan sapagkat nailipat na ito ng lugar makalipas ang 19 na taon.

Ang mga arkong kawayan ay isa nang identity ng Cardona. Nanawagan sa kanyang mga kababayan, lalo na sa mga kabataan, na ipagpatuloy ang pagbibigay-halaga sa mga Arkong Kawayan na pamana sa mga kabataan ng Cardona. (Clemen Bautista)