Dinurog ng Adamson ang season host University of Santo Tomas, 86-43, sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 juniors basketball tournament kahapon sa San Juan Arena.
Nagsalansan si Gerry Austin Abadiano ng 21 puntos bukod sa apat na assist, habang nag-ambag si Florencio Serrano ng 16 puntos, pitong rebound at isang steal upang pamunuan ang nasabing panalo ng Baby Falcons.
Ang panalo ang ika-anim na sunod ng Adamson at isang panalo na lamang ang kanilang kailangan upang mawalis ang first round.
Bumagsak naman ang Tiger Cubs sa buntot ng standings taglay ang barahang 1-5.
Sa kabila ng kanilang ipinakikitang magandang performance, patuloy pa rin si Baby Falcons coach Goldwyn Monteverde sa pagpapakumbaba.
“We just go hard everyday, sa mga practice pa lang namin. Since nung day 1 nung summer until now, yun ang attitude namin. Sa part namin, tinatrabaho lang namin talaga,” aniya.
Partikular niyang pinaghahandaang sa kanilang depensa kung saan naipuwersa nila ang Tiger Cubs sa 33 turnovers.
Huling makakalaban ng Baby Falcons ang University of the East sa pagtatapos ng first round bago ang Christmas break sa Sabado.
“Hopefully, ma-sweep namin. Pero it doesn’t matter naman. Basta we will just go hard every every day, every game,” pahayag ni Monteverde.
Sa iba pang laro, nakamit naman ng defending champion Nazareth School of National University ang solong ikalawang puwesto matapos iposte ang 78-67 panalo kontra Far Eastern University.
Namuno sa naturang panalo si John Lloyd Clemente na nagtala ng double-double 15 puntos at 11 rebounds.
Dahil sa panalo, umangat sila sa barahang 5-1, habag ibinaba naman nila ang Baby Tamaraws sa ikatlong puwesto hawak ang kartang 4-2.
Nagwagi din ang last year runner-up La Salle at Ateneo upang palakasin ang tsansa sa Final Four.
Ginapi ng Blue Eaglets sa pamumuno ni Jason Credo na tumapos na may 15-puntos ang University of the Philippines-Integrated School , 79-55 upang umangat sa patas na barahang 3-3, habang tinambakan g Junior Archers ang UE Junior Warriors, 86-54 para umangat sa barahang 2-4, kapantay ng Junior Maroons.
Nanatili namang nasa ilalim ang UE kung saan kasama nila ang UST sa barahang 1-5. (Marivic Awitan)