DINALUHAN ng mga artista ang launch ng walong official entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Skydome sa SM North last Saturday, December 3.
Nanguna sa mga dumalo sina Ms. Nora Aunorfor her movie Kabisera, Paolo Ballesteros for Die Beautiful, Eugene Domingo for Ang Babae sa Septic Tank 2, at iba pang hindi na namin kilala. Nagpasalamat sila sa suportang ibinigay sa kanila ng pamunuan ng MMFF at sa mga fans na dumalo sa launch.
May mga binalak silang baguhin sa tradisyunal o kinagawian nang activities tuwing pista ng pelikulang Pilipino, pero mukhang nagbago ang desisyon nila. Kung noong una ay sinasabi na wala nang Parade of the Stars sa December 23, tuloy pa rin daw ito, pero saka na siguro nila sasabihin kung saan-saan dadaan ang parada.
Binalak din nilang baguhin ang petsa ng Gabi ng Parangal, na sabi’y sa Enero 8, 2017 o pagkatapos na ng festival -- pero gagawin na ito sa December 29, sa Kia Theatre sa Araneta Center, Cubao.
Baka nga naman tulad noong mga nakaraang MMFF ay makatulong pa rin sa mga kalahok na pelikula para kumita kapag nanalo sila ng awards.
Gayunpaman, maghintay pa tayo at baka may pagbabago uli silang maisip bago magsimula ang festival sa December 25.
Samantala, nalungkot pala ang former MMDA chairman at executive chairman ng MMFF na si Francis Tolentino, nang malamang indie films ang pinili para bumuo sa Magic 8 ng filmfest. Bakit daw hindi man lamang pinagbigyan na makasali ang kahit na tatlo or apat na mainstream movies na inaasahan ng mga manonood, lalo na ang mga bata kapag Pasko?
Walang tutol si Mr. Tolentino sa indie films, na tinulungan din naman niya sa anim na taong panunungkulan niya -- nang lumikha siya ng New Wave section sa festival na ipinalabas isang linggo bago ang ganapin ang festival at naging successful naman ito.
Kaya nanghihinayang siya na ganoon ang kinahinatnan sa selection of entries.
Malungkot din si Mr. Tolentino sa pagtaya ng ilang industry experts na baka hindi maabot ng MMFF ang target gross para sa taong ito.
Last year, kumita ang MMFF 2015 ng P1.3 billion na ipinamahagi sa nakatakdang recipients plus ang cash prizes sa mga nanalo noong gabi ng parangal. (NORA CALDERON)