KUNG hindi magbabago ang isip ni President Rodrigo Roa Duterte, hindi siya magdideklara ng martial law tulad ng ginawa noon ni ex-Pres. Ferdinand Marcos sapagkat hindi naman daw umunlad ang bansa o bumuti ang kalagayan sa buhay ng mga Pinoy sa panahon ng diktadurya at pagkatapos nito.

Sa banner story ng isang English broadsheet noong Disyembre 2, ganito ang nakasaad: “Rody: Martial law is stupid.”

Isa raw itong estupidong polisiya na hindi naman nagdulot ng kabutihan, kagalingan at progreso sa buhay ng mga Pilipino. Nagdeklara ng martial law si FM noong Setyembre 1972 upang sugpuin umano ang communist rebellion.

Ayon kay Mano Digong, hindi kailangan ng Pilipinas ang martial law. Sa halip, bibigyan na lang niya ng kapangyarihan ang mga lokal na opisyal (mga mayor) upang sila ang gumawa ng mga paraan at taktika na lulutas sa mga isyu ng seguridad at kabuhayan sa kani-kanilang lugar.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May ‘purpose’ na itinakda ang Diyos sa buhay mo

“Martial law? Kalokohan ‘yan. Nung mag-martial law tayo, ano ang nangyari? Gumaling ba ang buhay natin? Hanggang ngayon wala,” pahayag ni Pres. Rody sa Autonomous Region in Muslim Mindanao Local Government Summit sa Davao City.

Kung ganoon, ayon sa mga netizen, bakit iniidolo mo si Marcos na may-akda ng martial law?

Naniniwala ba kayo dear readers sa pahayag ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II na tinangka siyang suhulan ni Jack Lam, ang casino junket operator at may-ari ng Fontana Park and Leisure Hotel sa Clark? Itinanggi niya na tinangka siyang suhulan ng P100 milyon kada buwan ni Lam sa pamamagitan ni ex-Gen. Wally Sombero na lumapit sa kanya dahil naghahanap umano ng “ninong” ang casino operator upang maipagpatuloy ang kanyang operasyon.

Kung totoo ang mga report na tinangka siyang suhulan pero tinanggihan niya ito, dapat ay sinet-up niya sina Lam at Sombero sa pamamagitan ng kunwari’y pakikipagkita upang pagkatapos ay dakmain sila ng mga tauhan ng NBI at PNP na isasama niya sa operasyon.

Hindi ba ganito ang ginagawa ng mga tauhan ni PNP Chief Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa laban sa mga drug pusher-user?

Magsasagawa sila ng buy-bust operations upang mahuli o mapatay ang pushers at users na nanlaban daw kaya nila binaril.

Binibilog lang kaya ni Aguirre ang mga tao tungkol sa Fontana incident? ‘Di ba noon ay siya rin ang nagpaharap sa mga convicted felon at drug lord-prisoner sa pagdinig ng Kamara upang ipitin si Sen. Leila de Lima na sangkot siya sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP)?

Idiniin si De Lima nina Herbert Colangco, Col. Magleo, Peter Co, Jayvee Sebastian at iba pa, at ipinahayag na ang driver-bodyguard-lover ng senadora na si Ronnie Dayan ang bagman at drug money collector para gamitin sa pagtakbo ni De Lima sa pagkasenador.

Gayunman, itinanggi ni driver-... lover boy Ronnie na siya ay bagman at collector ng pera mula sa mga drug lord sa NBP para kay De Lima. Sa halip, ang pinagpiyestahan ng mga ulol na “Climax at Intensity” Congressmen ay ang pribadong relasyon nina De Lima at Dayan gayong ang purpose ng House hearing ay tungkol sa pagkakasangkot ni De Lima sa illegal drug trade sa NBP.

Sa social media, may mga nagsulat na ang dapat itawag sa kanila ay “Mga Mambabastos na Mambubutas” at hindi Mga Kagalang-Galang na Kinatawan ng Bayan. Kaysakit naman nito! (Bert de Guzman)