sean-at-madonna-copy

NAGING mag-asawa sila sa loob ng apat na taon noong ’80s. Ngunit nitong Biyernes ng gabi, inihayag ni Madonna kay Sean Penn, sa harap ng crowd na celebrity ang karamihan, na mahal pa rin niya ang dating asawa at nais niya itong pakasalan… sa tamang halaga.

Nag-host ang 58-anyos na singer ng charity gala noong Biyernes ng gabi sa Art Basel sa Miami, na nakalikom ng mahigit $7.5 million para sa bansang Malawi sa Africa, ayon sa ulat ng The Associated Press.

Nakasuot ng maigsing itim, gold at silver-patterned long-sleeve dress, nag-auction si Madonna ng kanyang kakaibang mga larawan, memorabilia, mga bagay mula sa kanyang art collection, ayon sa AP, para sa star-studded audience na kinabibilangan nina Penn, Leonardo DiCaprio, Chris Rock, Dave Chapelle, Bethenny Frankel, Jame Corden, Courtney Love, David Blane, at ex-boyfriend na si A-rod.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Halos kabuuan ng event ay naibahagi sa social media, kabilang ang pag-alok ni Madonna na magpakasal uli kay Penn kung magbi-bid ito ng $150,000.

“I’m still in love with you,” saad ng singer kay Penn — na makikita sa video sa Snapchat ni Frankel.

Pumayag naman ang 56-anyos at nakipag-bid sa ilang mamahaling bagay, ayon sa AP. Nang bumagal ang auction, pinosasan niya si Madonna at gumapang sa kanyang mga binti para himukin ang crowd na mag-bid pa ng mas mataas.

“For once, he’s not the one being arrested,” pagbibiro ni Madonna.

Kabilang sa mga naisubasta ang tatlong black and white na larawan na kuha nang ikasal sila ni Penn noong 1985 ng yumaong photographer na si Herb Ritts. Umabot ito ng $230,000.

Mayroon ding costume na nai-auction mula sa kanyang 2015 Rebel Heart tour, na iminodelo ng pop singer na si Ariana Grande.

“Excited to support @raisingmalawi and shimmy with my queen @madonna tonight (in her very own Rebel Heart tour outfit),” saad ni Grande sa Instagram.

Lumilikom ng pondo ang foundation ni Madonna na Raising Malawi at tinatrabaho ang pagtatayo ng pediatric surgery at intensive care unit sa ospital. Iniulat nila na kalahati ng populasyon ng bansa sa Africa ay nasa edad 15 pababa.

Naisubasta rin ang upuan na ginamit sa pagtatanghal ni Madonna sa halagang $10,000, ayon sa AP, nang sabihin ni Madonna sa madla na maaaring makapag-aral ang isang bata sa Malawi ng high school sa halagang $600 at $2000 naman sa kolehiyo. (People.com)