Umaasa si Senator Panfilo Lacson na sa nakatakdang paghaharap ngayong Lunes ng dating driver ni Sen. Leila de Lima na si Ronnie Dayan at ng sinasabing drug lord na si Kerwin Espinosa ay matutuldukan na ang magkaibang pahayag ng dalawa kaugnay ng pagtanggap umano ni Dayan ng drug money mula kay Espinosa para sa senadora.
Ayon kay Lacson, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, may mga independent witness at mga ebidensiyang magbibigay-linaw upang mapagtagni-tagni ang mga pahayag nina Dayan at Espinosa.
Matutukoy din kung talagang nagkausap sina De lima at Espinosa sa Baguio City.
Aniya, malalaman din kung totoong nagkita si De Lima at ang napatay na ama ni Espinosa na si Albuera, Letye Mayor Roland Espinosa, Sr. sa probinsiya ilang buwan bago ang eleksiyon noong Mayo.
Ang pagdinig ay pagpapatuloy ng imbestigasyon ng komite ni Lacson sa pagpatay sa alkalde habang nakapiit sa sub-provincial jail sa Baybay City nitong Nobyembre 5.
“Ngayon nagpapakuha pa ako ng ibang information sa Leyte kung nakapasyal pa sa Leyte, particularly sa Albuera, si Sen. Leila De Lima at Dayan,” sinabi ni Lacson sa panayam sa kanya ng DZBB kahapon.
“(In) 2015, nag-iikot na ang (mga may) planong tatakbo, nagpapakita na. So, tinitingnan ko ang anggulo na doon sila nagkakilala at puwedeng ‘di si Kerwin at puwedeng ang mayor (ang naka-meet),” dagdag niya.
Tiniyak din ni Lacson na hindi na uungkatin sa pagdinig ng Senado ang kahit ano tungkol sa dating relasyon nina De Lima at Dayan, gaya ng nangyari sa pagdinig ng Kamara kamakailan.
“Natanong na halos lahat sa personal, na-establish na ‘yan. I don’t see any reason na uungkatin pa ‘yan,” ani Lacson.
Una nang sinabi ni De Lima na hindi siya dadalo sa pagdinig ngayong Lunes.