Lubhang sugatan ang isang fire volunteer habang 60 pamilya ang nawalan ng tirahan nang lamunin ng apoy ang isang residential area sa Parañaque City kahapon ng umaga, kinumpirma ng Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP).

Kinilala ang sugatan na si Mike Gavino, nasa hustong gulang, miyembro ng Manila’s Octagon Volunteer Fire & Rescue Squad, Inc. Nagtamo siya ng hiwa sa kaliwang bahagi ng mukha matapos matamaan ng mga bakal nang sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) habang tinutulungan ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy.

Agad isinugod si Gavino sa Protacio Hospital sa Barangay Tambo upang lapatan ng lunas.

“Habang inaapula nila ‘yung apoy sa loob ng isang bahay eh, tatlong beses daw na may sumabog at natamaan siya ng mga bakal sa mukha,” pahayag ni Inspector Wilson Tana, chief fire investigator, sa Balita.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Idinagdag ni Tana na isang Ruben Torres, bed-ridden, ang naiulat na namatay sa insidente ngunit kinukumpirma pa nila ito.

Aniya, nagsimula ang apoy dakong 11:38 ng umaga, sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Karen Cabotaje, 19, sa Bayview Drive, Barangay Tambo, Parañaque.

Sinabi ni Tana na inaalam pa nila ang sanhi ng sunog at ayon sa mga residente, nakarinig sila nang malakas na pagsabog bago ang insidente.

“Sa ngayon under investigation pa tayo pero ang sabi ay may mga pagsabog daw sa loob ng bahay kaya nagko-conduct na tayo ngayon ng follow up,” ani Tana.

Tinatayang aabot sa P200,000 halaga ng ari-arian ang naabo. (MARTIN A. SADONGDONG at Bella gamotea)