morales-copy

Isinantabi ni Pinoy riding champion Jan Paul Morales ang alalahanin dala nang mga palyadong kagamitin para dominahin ang mga karibal tungo sa impresibong panalo sa 2016 ‘Hell of Marianas’ nitong Sabado sa Saipan.

Bukod kay Morales, pumuwesto rin sa top 10 ng 100-kilometer bike race ang iba pang Pinoy rider.

Kahit ilang beses na huminto sanhi ng naging problema sa kanyang gear, nagawa pa ring maipanalo ng 30-anyos na miyembro ng Standard Insurance Philippine Navy team ang karera matapos mag-breakaway sa huling walong kilometro upang maiuwi ang titulo para sa Pilipinas sa unang pagkakataong paglahok sa prestihiyosong torneo.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nagtala ng kabuuang tatlong oras, apat na minuto at 50 segundo ang pambato ng Morong,Rizal.

Nagtapos naman sa pangatlo ang kababayan na si Mark John Lexer Galedo ng Philippine Continental Team na Seven Eleven Sava RBP kasunod ng pumangalawang Japanese rider na si Maokoto Morimoto, isang minuto at 27 segundo ang agwat kay Morales.

 

“Hindi ko inasahang mananalo pa ako kasi naghabol na lang ako,” ayon kay Morales na sinamang-palad pang sumemplang pagdating sa pababang bahagi ng Banzai cliff.

 

Nagtamo si Morales ng mga galos at pasa sa kanyang braso at tuhod matapos bumangga sa isang nakahimpil na kotse.

 

Mabilis namang napalitan ng kanyang coach na si Reinhard Gorantes ang kanyang nasirang bisikleta para kaagad na makabalik sa karera.

Subalit, hindi ito ang huling problema ng Pinoy dahil nasira rin ang gear sa kasagsagan ng laban.

Gayunman, sa kabila ng lahat ay nakuha niyang lagpasan ang huling akyatin sa Isa Road bago dumating sa patag kung saan na siya kumawala para makamit ang panalo sa pagtatapos ng karera sa Marianas Resort and Spa.

 

Kahit tumapos lamang na pangatlo, masaya pa rin ang dating Le Tour de Filipinas champion na si Galedo.

“Okay lang kahit bronze lang nakuha ko, ang mahalaga, ang no.1 ay Filipino,” aniya.

Samantala, isa pang Pinoy rider sa katauhan ni Joe Miller ang nagtapos namang pang-anim sa pro open makaraang maorasan ng 3:19:42. (Marivic Awitan)