Nangako si Pangulong Duterte na palalayain ang 165 political prisoner sa bansa bago sumapit ang Pasko.
Sinabi kahapon ni Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao na ito ang ipinangako ni Duterte nang makipagpulong nitong Disyembre 2 kay National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace negotiating panel chief Fidel Agcaoili at sa mag-asawang consultant na sina Benito at Wilma Tiamzon sa Davao City.
Kabilang sa mga bilanggong prioridad na mapalaya ang 25 matatanda at 140 may sakit, ayon kay Casilao.
Kaugnay nito, nagpapatuloy naman ang hunger strike ng ilang miyembro ng militanteng grupo sa Mendiola, na nagsimula nitong Sabado, upang igiit ang pagpapalaya sa mga political detainee sa bansa.
Nagpakalbo rin at nag-street painting pa ang mga aktibista, na hindi kumakain simula 6:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Ayon sa Manila Public Information Office, batay sa rally permit ng mga militante ay pinapayagan lamang ang mga ito sa lugar hanggang sa Sabado, Disyembre 10, ngunit hindi maaaring i-vandalize o lagyan ng anumang graffiti ang Chino Roces monument. (Antonio L. Colina IV at Mary Ann Santiago)