PORMAL nang inaprubahan ng United States House of Representatives nitong Miyerkules, Nobyembre 30, ang Filipino Veterans of World War II Congressional Medal Act na inihain noong 2015. Una nang pinagtibay ng Senado ang bersiyon nito ng panukala noong Hulyo. Didiretso na ngayon ang panukala kay President Obama para lagdaan niya.
Matagal na naghintay ang mga Pilipinong beterano ng World War II para sa panukala na layuning pawiin ang pagkadismaya a paghihimutok ng mga Pilipinong sundalo na nakipaglaban kasama ng puwersang Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinangakuan sila ni President Franklin Delano Roosevelt ng mga benepisyong gaya ng sa mga Amerikanong sundalo ngunit pagkatapos ng digmaan, makaraang kilalanin ng Amerika ang kalayaan ng Republika ng Pilipinas, pinagtibay ng Kongreso ng Amerika ang Recission Act na bumawi sa mga benepisyo ng mga sundalong Pilipino gaya ng ipinangako sa kanila ni President Roosevelt. Nilagdaan ito ni President Harry S. Truman na naluklok sa puwesto sa pagpanaw ni Roosevelt noong 1945.
Nagkaloob ng ilang benepisyong pinansiyal sa mga Pilipinong beterano ng digmaan noong 2009 – isahang bagsak na $15,000 lump sum para sa mga nabubuhay pang beterano na ngayon ay mamamayan na ng Amerika, at $9,000 lump sum para sa mga non-citizen. Ngunit hindi kailanman napawi ang pagkadismayang idinulot ng Recission Act noong 1946. Dahil sa batas na ito ay nawalan ng bisa ang mga benepisyong ipinagkaloob sana sa mga sundalong Pilipino para sa kanilang serbisyo sa sandatahan sa ilalim ng gobyerno ng Amerika noong ang Pilipinas ay nasasakop pa ng Amerika at ang mga Pilipino ay mamamayan nito.
Maaaring hindi na makukubra ang benepisyong pinansiyal na ito, ngunit kaakibat ng pag-apruba sa Congressional Gold Medal Act ng Kamara ng Amerika noong nakaraang linggo, kasunod ng pagpapatibay ng Senado sa kaparehong panukala, ang pagbibigay-pagkilala sa mga sundalong Pilipino na sumabak sa digmaan para sa mga Amerikano. Ang pagkilala ay sa paraan ng paggagawad ng Congressional Gold Medal, ang pinakamataas na patunay ng pagpapasalamat ng Kongreso ng Amerika sa mga natatanging tagumpay at kontribusyon. Ang Gintong Medalya para sa mga Pilipinong beterano ng digmaan ay itatampok sa Smithsonian Institution sa Washington, DC.
Karamihan sa mga Pilipinong nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay pumanaw na, ngunit buong lugod na tinanggap ng kanilang mga pamilya at ng mga nabubuhay pang beterano ang pagpapatibay sa nasabing batas. “It’s better late than never,” sabi ng isang beterano na 13 anyos lamang nang magsilbing tagahatid at alalay para sa mga gerillya na nakipagdigmaan sa Cagayan. Iilan ang nakababatid na Pilipino ang karamihan sa mga bumuo sa US Army Forces in the Far East (USAFFE) sa pagsisimula ng digmaan sa Bataan at Corregidor, naroon din sa Death March, at patuloy na nakipagbakbakan sa buong tatlong taon ng pananakop ng Japan, hanggang sa ganap nating matamo ang kalayaan noong 1945.
Ang digmaan sa Pasipiko ay nagsimula sa pambobomba ng Japan sa Pearl Harbor noong Disyembre 8, 1941, na makalipas ang ilang oras ay sinundan ng pambobomba sa Fort Stotsenberg sa Pampanga. Ilang araw na ang hihintayin bago gunitain ang ika-75 anibersaryo ng pagsabog sa Pearl Harbor. Higit na naging makabuluhan ang anibersaryong ito sa pagpapatibay ng Kongreso ng Amerika sa Congressional Gold Medal Act na sa wakas ay nagbigay ng pagkilala sa kagitingan at kabayanihan ng mga Pilipinong nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.