STO. DOMINGO, Nueva Ecija - Nagpupuyos sa galit na naghain ng reklamo sa pulisya ang isang 56-anyos na ginang matapos umanong itakas ng sarili niyang pamangkin ang perang ipantutubos sana sa nakasangla nilang bukirin sa Barangay Hulo sa bayang ito.
Qualified theft ang isinampang kaso ni May Dapito y Andres laban sa pamangkin niyang si Onofre Andres, 41, may asawa, alyas “Manny”, ng Bgy. Buasao, dahil sa pagtakas umano nito sa kanyang P900,000 cash.
Ayon kay Dapito, dakong 8:00 ng umaga nitong Biyernes nang ibigay niya kay Andres ang pera at kaagad na itong umalis para magtungo sa bahay ni Virginia De Leon at tubusin ang nakasangla nilang bukirin.
Gayunman, hindi nagpunta kay De Leon ang suspek, na sakay sa motorsiklo.
Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang suspek. (Light A. Nolasco)