Inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang isang color-coded national agricultural map na tumutukoy sa epektibong pagsasaka at paggamit sa taniman sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi ni DA Secretary Manny Piñol na pinagsama-sama sa mapa ang iba’t ibang bagay na nakaaapekto sa produksiyon ng agri-fishery, gaya ng uri at kalidad ng lupa, kasapatan ng patubig, at climate topography, gayundin ang ekonomiya at demograpiya sa bawat rehiyon.

Pinangunahan ng kalihim ang paglulunsad sa mapa, kasama ang iba pang opisyal ng kagawaran, at ang mga opisyal ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA).

Tinukoy ng AMIA ang national framework ng DA sa paglaban sa epekto ng climate change sa agrikultura at nagsisilbing umbrella program na sumasaklaw sa usapin ng climate change sa lahat ng proyekto at tungkulin ng bawat ahensiyang nasa ilalim ng kagawaran.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nagtalumpati sa ika-50 anibersaryo ng breeding ng IR8 o ang Miracle Rice sa International Rice Research Institute sa Los Baños, Laguna nitong Martes, inilahad ni Piñol ang apat na pangunahing paraan ng kagawaran simula nang manungkulan siya sa puwesto noong Hulyo.

Kabilang sa mga ito ang national food consumption quantification survey, na ginagawa ngayon para magbigay ng tumpak na estadistika sa supply at konsumo ng pagkain.

Naglunsad din ang DA ng malaking reporma sa irigasyon at sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng pagtatanim ng palay sa bansa ay libreng magkakaloob ng patubig ang National Irrigation Administration simula sa susunod na taon.

Gagamit na rin ang kagawaran ng solar-powered at maliliit na irrigation project.

Isinusulong din ng DA ang corporate rice farming, na direktang iuugnay ang produksiyon ng mga magsasaka sa malalaking buyer, kabilang na ang programa sa pagrarasyon ng bigas para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang maiwasan na ang pagkakaroon ng mga middleman. (Ellalyn B. De Vera)