Labintatlong katao, kabilang ang apat na pulis, ang nasugatan makaraang sumalpok sa puno ng niyog ang mobile patrol ng pulisya kasunod ng pagsabog ng isang gulong nito habang patungo sa piskalya para sa inquest ng ilang bilanggo sa Barangay Biao Joaquin, Calinan, Davao City, nitong Biyernes ng umaga.
Ayon sa Davao City Police Office (DCPO), kabilang sa mga nasugatan ang mga operatiba ng Calinan Police na sina SPO2 Rolando Cagaanan, PO3 Irene Sinabre, PO1 Joan Tripole at PO1 Alex Gallo, Jr.
Sugatan maging ang mga bilanggong sina Orly Napitan, Cristina Oros, Rostum Mastula, Agustin Torres at isang binatilyo.
Nasugatan din ang driver na si Rodrigo Zamora, ang kawani ng Social Services and Development Office (CSSDO) na si Ceejay Autida at ang mga kaanak ng mga bilanggo na sina Enrique Gorres at Rosabella Piladas.
Batay sa imbestigasyon, sakay ang mga biktima sa Mobile Patrol No. 34 na minamaneho ni Zamora at papunta sa piskalya nang biglang pumutok ang gulong sa unahan nito.
Nawalan ng kontrol si Zamora sa sasakyan hanggang sa bumangga ito sa puno ng niyog sa Bgy. Biao Joaquin sa Calinan District.
Kinailangan pang sumailalim sa CT scan si PO1 Tripoli sa Southern Philippines Medical Center dahil tumilapon siya sa aksidente.
Nabatid na nagdalawang-isip ang mga residente na tulungan ang mga biktima sa pag-aakalang isang ambush ang nangyari at natakot silang madamay. (FER TABOY at YAS OCAMPO)