Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang lalaki makaraang pagtulungang gulpihin at ibigti ng kanyang mga kalugar sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Nagtulung-tulong ang mga residente na maibaba ang bangkay ni William Bautista, 56, ng No. 104 Quezon Street, Barangay 123, East Grace Park ng nasabing lungsod.

Sa follow-up operation ng Caloocan PNP, naaresto ang isa sa mga suspek na si Artemio Aloro, Jr., 21, ng No. 42 Nuestra St., Bgy. 116, East Grace Park, Caloocan City, habang tinutugis pa ang kanyang ama na si Artemio Aloro, Sr., 42.

Base sa report, dakong 2:30 ng madaling araw, nakatayo si Bautista sa kanto ng Serrano at 6th Avenue, Bgy. 112 at nakita ito ng mag-amang Aloro at nilapitan saka pinaggugulpi hanggang sa mawalan ng malay.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Hindi pa nasiyahan ang mga suspek dahil kumuha pa umano ang mga ito ng nylon cord at ipinulupot sa leeg ng biktima at ibinigti sa punong kahoy.

Lingid sa kaalaman ng mag-amang suspek na nakita ni Raffy Quinones, saksi, ang kanilang mga ginawa at agad nagtungo sa Police Community Precinct (PCP) 1 at isinalaysay ang nasaksihan.

Kaagad na pinuntahan ng mga pulis ang bahay ng mag-ama, pero ang nakababatang Aloro na lang ang kanilang naabutan.

Inaalam na ng mga pulis ang motibo sa pagpatay at sinampahan na ng kasong murder ang nahuling suspek.

(ORLY L. BARCALA)