Hindi natinag sa pagdededma ng Senado sa show-cause order na ipinalabas nito laban kay Senator Leila De Lima, ipupursige na ngayon ng Kamara de Representantes ang mga hakbangin upang papanagutin ang senadora sa pagsabotahe sa imbestigasyon ng mababang kapulungan sa umano’y bentahan ng droga sa New Bilibid Prison (NBP) na sinasabing kinasasangkutan nito.

Sumang-ayon ang mga pinuno ng mga grupong oposisyon at administrasyon sa Kamara na ang kawalang-aksiyon ng Senado ay pagpapakita ng pagbalewala nito sa inter-chamber courtesy ng dalawang kapulungan.

Ngayon, ipupursige naman nina Deputy Speaker Fred Castro (PDP-Laban, Capiz) at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, chairman ng House Committee on Justice, ang paghahain ng criminal complaint laban kay De Lima sa Regional Trial Court para sa disbarment nito, o kaya naman ay iginiit sa Senado na parusahan si De Lima bilang disiplina.

Naglabas ang Kamara ng show-cause order laban kay De Lima makaraang aminin ng dati nitong driver na si Ronnie Dayan, batay na rin sa ipinakitang text message ng anak ng huli sa Kamara, na pinayuhan siya ng senadora na magtago na upang makaiwas sa pagdinig. (Ben R. Rosario)

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho