Sa halip na pera ay bala ang ibinayad ng isang lalaki sa isang tindero na kanyang pinagkakautangan sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Mabilis na tumakas ang suspek na nakilala lang sa alyas na “Mac-mac” matapos niyang pagbabarilin si Bernard Bonnie Franco, 36, ng 234 C. P. Garcia Street, Tondo, Maynila.

Sa ulat ni PO3 Jorlan Taluban, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 10:30 ng umaga nang magkasalubong ang suspek at ang biktima sa Duhat Street, kanto ng C. P. Garcia Street, Tondo.

Naglalakad umano ang biktima kasama ang kaibigan niyang si Bryan Cruz nang makasalubong nila ang suspek na may utang sa biktima at matagal na umanong hindi nababayaran.

National

Sen. Bam Aquino, bumati sa Fil-Chinese community sa selebrasyon ng CNY

Nagulat umano si Mac-mac nang makita Franco at posible umanong inakalang sisingilin siya nito kaya bumunot ng baril at pinaputukan ang huli sa dibdib.

Isinugod pa umano ni Cruz ang biktima sa Mary Johnston Hospital ngunit patay na ito.

Tinutugis na ng awtoridad ang suspek upang papanagutin sa insidente. (Mary Ann Santiago)