PINASINAYAAN na ang bagong ospital sa Rizal na ipinagawa ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares.

Nobyembre 29, 2016, binuksan sa publiko ang bagong ospital sa Barangay Darangan, Binangonan, Rizal. Itinayo sa isa at kalahating ektaryang lupa na donasyon ng pamilya Duavit sa pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni dating Assemblyman at Rizal Congressman Bibit Duavit. Layunin ng pamilya Duavit na makatulong sa patuloy na programa sa kalusugan ng pamahalaang panlalawigan at makapagpagawa ng isang malaking ospital sa lalawigan.

Ang pangalan ng bagong ospital, binubuo ng 64 bed capacity, ay Margarito A. Duavit Memorial Hospital. Pamamahalaan ito ng Rizal Provincial Hospital System.

Ito ay maituturing na isang tertiary hospital sapagkat may intensive care unit (ICU), operating room, citiscan, diagnostic center, blood bank at iba pang makabagong kagamitan. Nakatakda pa bumili ang pamahalaang panlalawigan ng iba pang medical equipment bilang karagdagan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang Margarito A. Duavit Memorial Hospital ang ikapitong ospital sa lalawigan ng Rizal. Ang mga ospital ng probinsiya ay nasa Morong, Angono, Antipolo, Pililla, Jalajala at ang nasa boundary ng San Mateo at Montalban, Rizal.

Naging mga panauhin sa pagpapasinaya ay sina Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng unang distrito ng Rizal, Representative Michael Jack Duavit, ng unang distrito ng Rizal, Binangonan Mayor Cesar Ynares, Sanggunian Bayan member ng Binangonan, iba pang mayor sa Rizal.

Sa bahagi ng talumpati ni Rizal Gov. Rebecca Nini Ynares, sinabi niya na napakalaki ng utang na loob namin sa pamilya Duavit na nag-donate ng isa at kalahating ektarya ng lupa na naging daan upang matupad ang pangarap ng pamahalaang panlalawigan na makapagpatayo pa ng isang bagong ospital na makatutulong sa pagbibigay ng serbisyong medikal sa mga taga-Rizal. Layunin din ng pagtatayo ng ospital sa lalawigan na matugunan ang lumalaking populasyon at matulungan ang pangangalaga sa kalusugan ng mga mamamayan.

Ayon naman kay Binangonan Mayor Cesar Ynares, masuwerte ang bayan ng Binangonan sapagkat doon itinayo ang bagong ospital. Malaking tulong umano ito sa mga taga-Binangonan na mabibigyan ng serbisyong medikal. Pinasalamatan niya si Gov. Nini Ynares at ang pamahalaang panlalawigan.

Matapos pasinayaan ang bagong ospital ay binuksan na agad sa mamamayan ang out patient department (OPD) at ang emergency room (ER). Kinabukasan, Nobyembre 30, isinagawa ang medical-dental mission at bloodletting program.