Pinag-iingat ng United States (US) Embassy ang kanilang mga mamamayan na naninirahan at bibiyahe sa Pilipinas ngayong holiday season na itinuturing nilang “prime time” para sa mga criminal activity sa bansa.
Sa kanilang holiday security guidance, naglabas ng mga paalala ang embahada na maaaring sundin upang maiwasan na maging biktima ng mga kriminal.
“Remember, while victims can often simply be at the wrong place at the wrong time, they can also be targeted because they appear to be wealthy,” anang embahada.
Ayon sa embahada, nagkalat ang mga holdaper, mandurukot at magnanakaw tuwing holiday season dahil alam ng mga kriminal na maraming pera ang mga tao dahil bigayan ng bonus at 13th month pay.
Dapat umanong umiwas sa paglalakad sa madilim na lugar at maging maingat sa mga lugar na maraming tao na posibleng pangunahing target ng mga terorista.
Pinag-iingat din ng embahada ang mga sumasakay sa mga pampublikong sasakyan tulad ng jeep, bus, at mga tren na “prime venues” ng mga magnanakaw.
At kung may mga kahina-hinalang bagay na matagpuan ay kaagad itong i-report sa mga awtoridad.
“If you are in the vicinity when such an incident occurs, leave the area immediately. Do not approach the scene of a suspicious item such as a suspected explosive device,” ayon sa US Embassy.
Matatandaang noong Lunes, isang improvised explosive device (IED) ang iniwan sa basurahan sa harapan ng US Embassy.
(Mary Ann Santiago)