Arestado ang 52 indibiduwal na umano’y sangkot sa ilegal na droga habang 75 motorsiklo ang nakumpiska sa “One Time Big, Time Operation” ng pulisya sa Muntinlupa at Taguig City kahapon.
Nasa kustodiya ng Muntinlupa City Police ang mga suspek na sina Jetmore Baldonado, Teoderico Goma, at Dexter Vidallo.
Nadakip ang tatlo na pawang nakumpiskahan ng ilang pakete ng hinihinalang shabu habang 15 pang katao ang sumuko sa nasabing operasyon ng pulisya, mula 4:30 ng madaling araw hanggang 7:10 ng umaga mula sa Barangay Tunasan, Poblacion, Putatan, Bayanan, Alabang, Buli, Cupang at Sucat ng naturang lungsod.
Ayon kay Senior Supt. Nicolas Salvador, hepe ng Muntinlupa City Police, umabot sa 51 motorsiklo ang ipinadala sa impounding area matapos ang operasyon.
Samantala, sa Taguig City, aabot sa 34 na katao na pawang sangkot umano sa ilegal na droga ang naaresto, habang 24 na motorsiklo ang nakumpiska. (Bella Gamotea)