Idinaan ng isang ginang sa mabulaklak na salita ang mahigit 100 katao mula sa iba’t ibang lalawigan upang magkaroon ng instant money.
Wanted ngayon si Anna Delos Santos, mas kilala bilang Anna Ishibashi, 47, ng Barangay Catmon, Malabon City, at nakatakdang kasuhan ng large scale estafa at illegal recruitment.
Sa pahayag ng isa sa mga biktima na si Ricardo Maicada, naengganyo siyang mag-apply sa suspek dahil P2,000 lang ang placement fee papuntang Japan.
Aniya, sinabihan siya ni Anna na mag-recruit pa para marami raw siyang makasabay.
“’Yung mga kaibigan ko na-recruit ko, pati bayaw ko, mga kamag-anak ko pinag-apply ko kay Anna at magaling siyang magsalita ng wikang Hapon,” ani Maicada.
Mas lalo pang dumami ang biktima ni Anna nang magpa-miyembro ito sa Malabon City Emergency Response Unit, isang Non-Government Organization, nitong Marso 2016.
Makalipas ang siyam na buwan, hindi pa rin umano napoproseso ang kanilang mga papeles at hindi na rin nagpakita sa kanila si Anna.
Ang mga biktima ay mula sa Montalban, Rizal, Samar, Ilocos at Malabon City.
Umabot umano sa mahigit P600,000 ang nakuha ni Anna sa mga biktima. (Orly L. Barcala)