LUMAKI si Rina sa isang unconventional family. Sex worker ang kanyang ina na siyang bumubuhay sa kanya at sa dalawang nakatatandang half-brothers niya. Nagsimulang malihis ang buhay ni Rina nang tumuntong siya sa pagkatinedyer at lumipat sila ng Maynila. Gusto niyang makapagtapos ng pag-aaral, at pinangarap pa niyang maging doktora pagdating ng araw. Pero agad niyang tinanggap na hindi ito matutupad dahil wala silang pera na maipangtutustos sa kanyang pag-aaral.
Napilitan siyang tumigil sa pag-aaral upang magtrabaho sa ibang bansa, at nangako sa sarili na hindi niya daranasin ang naging buhay ng ina. Sa edad na 19 ay nagtrabaho siya sa Qatar at sa Malaysia, at nakilala ang lalaki na inakala niyang makakasama niya para bumuo ng sariling pamilya. Nabuntisan siya nito pero iniwan.
Naging single mother si Rina ni Ariane. Bilang ina, ayaw niyang sumuko sa hirap ng buhay, kaya sinikap niyang magtrabaho sa Dubai. Pero mas masaklap na kapalaran ang naghihintay sa kanya roon. Sa edad na 23 ay pinagsamantalahan siya ng kanyang employer ilang buwan pagkaraang magsimula siyang magtrabaho. Labis ang kasawian, bumalik siya ng Pilipinas. Pero hindi pa man siya tuluyang nakaka-recover, natuklasan niya na mayroon siyang Human Immunodeficiency Virus (HIV) — na naihawa ng nanggahasa sa kanya. Pakiramdam ni Rina ay bumagsak na ang buong mundo sa kanya, at higit pa sa naranasan ng ina ang nangyari sa kanya.
Dalawampu’t limang taong gulang siya noon, at nakilala niya si Gabby, 32 anyos. Isa si Gabby sa mga miyembro ng HIV organization, at isa ring HIV positive. Nang magkakilala sila, inaalagaan ni Gabby ang nakaratay na asawa. Kalaunan, sinabi ni Gabby kay Rina na hindi ito ang unang pagkakataon na nawalan siya ng asawa na nakikipaglaban sa HIV superinfection. Hindi nagtagal, nagkaroon ng relasyon sina Gabby at Rina. Itinuring ni Gabby na parang tunay na anak si Ariane, ang pinangarap nitong anak na inakala nitong hindi na matutupad dahil sa kanilang kalagayan. Minahal at inalagaan nila ang isa’t isa, sa kabila ng karamdamang taglay nila. Pakiramdam ni Rina, natagpuan na niya ang uri ng buhay na gusto niya — normal na buhay at kumpletong pamilya, kaya nagpakasal sila noong 2003. Biniyayaan sila ng dalawang anak, na parehong HIV negative, dulot ng wastong medikasyon habang nagbubuntis si Rina.
Gaganap bilang Rina si Coleen Garcia at gaganap naman bilang Gabby si Xian Lim sa episode ng Maalaala Mo Kaya na mapapanood na ngayong gabi, mula sa panulat ni Arah Jell G. Badayos at sa direksiyon ni Elfren Vibar.