IISA ang napansin ng entertainment press na kasama namin sa umpukan sa grand presscon ng Ika-6 Na Utos habang ipinapakilala ang bumubuo sa cast na sina Gabby Concepcion, Sunshine Dizon at Ryza Cenon, ang tila hindi pa rin tumatandang actor.
Isa si Gabby sa iilang nakakapasa sa mga kasabayan niya na puwede pa ring leading man, kaya hindi rin siya basta na lang ikina-cast bilang tatay sa story. Fit pa rin naman kasi talaga si Gabby for a lead role. Imagine, si Carla Abellana pa nga ang last leading lady niya, di ba?
Kaya nagkatawanan after magsalita ang leading ladies niya at nakiusap siyang huwag na raw siyang tawaging ‘kuya’ ni Sunshine, at huwag na rin siyang pupuin ni Ryza.
“Pero masaya ako na nakasama ko ang dalawang mahuhusay na actress,” sabi ni Gabby. “Biro n’yo, una kong nakasama si Sunshine noong seven years old pa lang siya sa horror movie na Huwag Kang Hahalik sa Diyablo at ngayon, leading lady ko na siya.
“Si Ryza, first time ko lang nakatrabaho pero nakita ko agad na mahusay siyang actress. At natuwa rin ako na muli kaming magkasama ni Direk Laurice Guillen. Madalas kasi kaming magkasama noon sa mga movies na ginawa namin sa Viva Films.”
In turn, ayon naman kay Direk Laurice, first time niyang gumawa ng serye na ganito ang istorya. Simple raw pero iba ang circumstances ng istorya ng isang babaeng mataba (Sunshine) pero nakiapid din sa ibang lalaki para makapaghiganti. Makikita ang transformation ni Sunshine mula sa matabang babae hanggang sa maging sexy at tinawag na ‘Duquesa.’
Samantala, hindi pa rin daw nawawala ang kahusayan ni Gabby sa acting, na ipinakita nito noong nagkakasama pa sila sa naunang projects nila.
Kaya inaanyayahan ni Direk Laurice ang televiewers na huwag palalampasin ang pagsisimula ng kanilang drama serye sa Monday, December 5, pagkatapos ng Eat Bulaga. Tampok din sa Ika-6 Na Utos sina Mike Tan, Rich Asuncion, Marco Alcaraz, Arianne Bautista at si Ms. Daria Ramirez. (NORA CALDERON)