Binuntutan muna bago tuluyang pinatay ng dalawang armado ang isang matandang lalaki na umano’y sangkot sa ilegal na aktibidad sa Barangay Manggahan, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, may binili lamang sa tindahan si Antonio Mangundayao Sr., alyas “Mang Jess”, 60, at binuntutan na siya ng mga suspek habang papauwi at saka pinagbabaril nang makapasok sa kanyang tahanan sa 4057 Duhat Street, Napico, sa Barangay Manggahan, dakong 10:45 ng gabi.
Ayon kay PO3 Hermie Taroma Jr., imbestigador, kaagad nasawi ang biktima sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo at katawan.
Lumilitaw na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril dahil sa pagkakasangkot dito ni Mangundayao na kasama rin sa drug watch list ng Barangay Manggahan.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)