Guilty!
Ito ang naging hatol ng Manila Regional Trial Court (RTC) sa isang government doctor dahil sa pamemeke ng kanyang daily time records (DTRs) sa Fabella Hospital at Manila Health Department (MHD) noong 2003-2005.
Sa pahayag ng Office of the Ombudsman, hinatulan si Dr. Rosalinda Benitez na makulong ng anim na taon sa bawat bilang ng paglabag nito sa kasong falsification (19 counts) na katumbas ng 114 na taong pagkakapiit.
Iniutos din ng korte na magbayad ang doktor ng P2,000 sa bawat bilang ng paglabag sa naturang kaso.
Ayon sa anti-graft agency, sinentensiyahan ni RTC Branch 25 Judge Marlina Manuel ng pagkakapiit si Benitez matapos na makapagprisinta ng matibay na ebidensya ang Ombudsman prosecutors na pineke ng doktor ang kanyang mga DTR mula Agosto 2003 hanggang Pebrero 2005.
Sinabi ng Ombudsman na pinalabas ni Benitez na pumapasok siya sa trabaho mula 8:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali araw-araw. (Rommel P. Tabbad)