MULING winasak nina Vice Ganda at Coco Martin ang box office records nitong Miyerkules sa pagbubukas ng The Super Parental Guardians sa mga sinehan sa buong bansa. Nagsimulang ipalabas ang kanilang pelikula sa 280 theaters sa umaga at nagsara sa 309 na mga sinehan bandang 9:30 PM.
Ang industry estimates kinagabihan, ginagawa ng bookers at showbiz experts base sa bugso ng pasok ng moviegoers, bilang ng mga sinehan at screenings, aabot sa P68M ang opening day gross income.
Pero kahapon, ang final figures na ibinigay ng Star Cinema ay kumita sa first day ng P75M ang The Super Parental Guidance.
Kaya lahat sa Star Cinema ay nagdiriwang, masaya, at panay ang pasasalamat sa Panginoong Diyos.
Sinadya naming hindi lumabas ng bahay noong Miyerkules dahil kaliwa’t kanan ang rally at hindi namin pinangarap na maipit sa trapik, kaya nag-monitor na lang kami sa mga kakilala naming nagtiyagang pumila sa mga sinehan. Halos iisa ang kuwento nila.
“Grabe, Reggee, parang Pasko, grabe ang pila sa Super Parental Guardians, ‘yung iba hindi na umabot kasi sold out lahat kaya ibang pelikula na lang ang pinanood.
“At take note, mas malakas sina Vice at Coco kay Moana (Disney movie, na kasabay ding nagbukas noong Miyerkules).
Kinumusta namin ang Enteng Kabisote 10 and The Abangers ni Vic Sotto at iisa rin ang kuwento sa amin, “Medyo mahina friend, tinalo ng SPG.”
Maging ang kasama namin sa bahay na nanood nito noong Miyerkules, ang sabi, “Ate, iilan lang kami sa sinehan.”
Samantala, may industry experts na nagsasabing kapag hindi nagbago ang patakaran ng bagong screening committee ng Metro Manila Film Festival sa pagpili ng mga pelikulang kasama sa filmfest, malamang na magiging tradisyon na ang paggawa ng pelikulang pambata at pangmasa na ilalabas sa Nobyembre 30 playdate. Bigla kasing lumakas ang petsang ito na bukod sa holiday at tiyak na may pera ang tao dahil suweldo at may mga nakatanggap na ng Christmas bonus.
Ano sa palagay mo, Bossing DMB?
(Kung ano ang makabubuti para sa industriya, ipagpatuloy. –DMB) (REGGEE BONOAN)