TAGUM CITY, Davao Del Norte -- Maliban sa pinakabagong rekord dahil sa pagdagdag na kategorya sa edad, ilang dating marka ang nabura sa tampok na sports na athletics at swimming, gayundin sa weightlifting sa ginaganap na 2016 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy (PNYG-BP) National Championships.
Naitala ni Maenard Batnag ng Baguio City ang dalawang bagong marka sa limang event na napagwagihan sa swimming pool.
Nailista ni Batnag ang bagong rekord sa 11-12 boys 200m fly sa tyempong 2:30.07.
Tinabunan niya ang dating rekord na 2:30.38 ni Kenji Arguzon ng Dasmarinas, Cavite na naitala noong 2014 national finals sa Bacolod.
Ikalawa sa binura ni Batnag ang 11-12 boys backstroke record sa bagong oras na 1:08.88, lagpas sa dating marka na 1:09.19 na naitala ni Seth Martin ng Quezon City noong 2014 sa Bacolod .
Nabura rin ang rekord sa girls 11-12 200m freestyle matapos itala ni Janella Alisa Lin ng BDAG ang mabilis na tyempong 2:18.17 lagpas sa dating rekord na 2:20.52s ni Aubrey Sheian Bermejo ng Iligan City noong 2015 Cebu Batang Pinoy Finals.
Ang mga pinakabagong rekord dahil sa dagdag sa age category ay ang 200m boys 11-12 4x50 medley relay sa oras na 2:14.39 na itinala nina Blue Cablete, Eryk John Omandam, Kuiper Von Leybag at Alteddy James Sumaoy ng Davao Del Norte Province at ang 200m girls 11-12 4x50 medley relay sa oras na 2:17.71 na itinala nina Natalie Mendoza, Mary Sophia Manantan, Maglia Jaye Dignadice at Janine Carbonell.
Samantala, nagtala ng bagong rekord sa athletics sina Samantha Gem Limos ng Cebu City at Veruel Verdadero ng Dasmarinas City sa girls at boys 200m dash.
Itinala ni Limos ang record sa 13-15 girls 200m sa unang heat pa lamang sa tyempong 26.05 (1.5 win velocity) upang burahin ang dating itinala ni Joycie Beronio ng Negros Occidental (26.36) noong 2014 Bacolod national finals.
Tinabunan naman ni Verdadero ang kanyang sariling rekord sa boys 13-15 sa isinumiteng 23.01, mas mabilis sa kanyang dating rekord na 23.23 sa nakaraang taon.
“Pinupulikat na po kasi ako at pumipitik na mga muscles ko kaya hindi na ako pinatakbo ni coach sa 4x400,” sambit ng 15-anyos Grade 9 sa Immaculate Concepcion Academy sa Cavite.
“Bale tatlong run po kasi ako sa heats, semis at finals ng 100 tapos ganoon din sa 200m, 400m at 4x1 at 4x4.”
Inagaw naman ni Angel Ann Pranisa ng Negros Occidental Province ang ginto sa girls 13-15 200m sa itinalang 26.16 segundo. Ikalawa si Rizal Jane Valente ng Bohol Province (26.40) at si Limos (26.42).
Nagtala rin si Vincent Vinmar ng Bulucan ng bagong meet record sa 2Km walk 13-15 boys sa oras na 10:58.01 na tumabon sa dating rekord na 11:18.9 na isinumite ni Jay Vincent Manalote ng Iligan sa nakaraang taon sa Cebu.
Samantala, nangunguna sa overall medal standings ang Cebu City matapos na magtipon ng kabuuang 30 ginto, 15 pilak at 15 tanso para sa kabuuang 60 medalya. Dumausdos sa ikalawang puwesto ang Zamboanga City na may 24-13-12=49, habang ikatlo ang Davao City na may 19-27-22=68.