Makikipagtagisan ng husay at galing ang siklistang Pinoy laban sa pinakamatitikas na rider sa buong mundo sa pagsabak sa ‘Hell of the Marianas Century Cycle’ sa Disyembre 3 sa Saipan.

Sasabak sa hamon ang mga dating Southeast Asian Games gold medalists na sina Mark John Galedo ng Continental Team 7 Eleven–Sava Road Bike Philippines at John Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance sa paglahok nila sa Open Category ng 100-kilometer race, kung saan wala pang nagwawaging Pinoy.

Bukod sa mahirap na ruta na may pabago- bagong elevations, haharapin din ng mga Pinoy cyclists ang mataas na antas ng kompetisyon dahil sa presensiya at paglahok ng mga elite pro cyclists buhat sa iba’t-ibang panig ng daigdig na mag-aagàwan sa naglalakihang premyo.

Sa kabila nito, kumpiyansa sina Galedo at Morales, kapwa miyembro ng Philippine national team, na sapat ang kanilang karanasan para makipagsabayan kontra sa mga siklistang galing Japan, China, South Korea, Taiwan, Guam, United States at Russia .

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Tuluy-tuloy naman ang training ko at medyo pamilyar na rin ako sa mga ganitong course na terrain.Hindi rin kami nawawalan ng exposure abroad kaya hindi na siguro magiging ganon kahirap mag- adjust sa speed at klima pagdating ng karera,” pahayag ni Galedo.

Ang iba pang mga Pinoy na lalahok sa event ay ang mga triathletes mula sa Team Ford Forza na sina Joseph Miller at Ian Solana, Jazy Garcia, anak ng dating tour champion na si Jesus Garcia Jr.

Magsisimula ang karera sa Mariana Resorts & Spa at babaybay sa mga tanyag na tourists spots gaya ng Banzai Cliff, Grotto at Bird Island.

Ang Hell of the Marianas ay isang open event para sa mga professionals at amateurs kung saan walang qualifying time na kinakailangan o mga pre qualifying races para makalahok. (Marivic Awitan)