TAGUM CITY, Davao Del Norte – Pangarap ni Samantha Gem Limos na matularan ang idolong si Lydia de Vega.

At sa kanyang unang hakbang para sa katuparan ng minimithing adhikain, pinagwagihan niya ang 100m century dash sa 2016 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy National Championships.

Dalawang ulit na naitala ng 14-anyos na si Limos ang pinakamabilis na oras sa sprint run sa tyempong 12.39 segundo sa semifinals at sa pagsungkit sa gintong medalya sa bilis na 12.41.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Both times are wind aided,” paliwanag ni PATAFA secretary general Reynato Unso ukol sa nagawa ni Limos, kinatawan ng bansa sa nakalipas na Children of Asia International Sports Festival sa Yakutz, Russia kung saan nakapag-uwi ito ng tansong medalya.

Hawak ni Limos ang Batang Pinoy record sa 13 & Under 100m na 12.48 segundo. Ang personal best na 12.1 segundo ay itinala nito sa pagwawagi sa Secondary Girls 100 meter dash event sa 2015 Palarong Pambansa sa Legazpi City, Albay.

“Pangarap ko po na maging Olympian,” sabi ni Limos, panganay sa dalawang magkapatid at nais maging sprint champion tulad ng idolong si De Vega.

Tinanghal na ‘Asia’s Sprint Queen’ si De Vega noong dekada 80 at naging two-time Olympian (1984 at 1988 Olympics).

Naipagtanggol naman ni South Cotabato javelin thrower na si Marizel Buer ang korona bagaman mas mababa sa itinala nitong rekord sa nakaraang taon sa paghagis sa sibat sa layong 36.06 metro. Itinala ni Buer ang rekord na 39.10 metro noong 2015 Batang Pinoy sa Cebu City Sports Center.

Ang iba pang nagwagi sa athletics ay sina Vincent Dela Cruz ng Bulacan sa boys 13-15 2,000m walk (10:58.01s); Jan Mervin Francisco ng Dasmarinas, Cavite sa boys 13-15 javelin throw (48.67m); Tyrone Florez ng Dasmarinas, Cavite sa boys 16-17 discus throw (40.07m) at Maryland Torres ng Bago City sa girls 16-17 discus throw (32.21m).

Nagwagi rin sa boys 16-17 100m dash si Set Abram Pilapil ng Cebu City (11.26s); Eliza Cuyom sa girls 16-17 100m dash (12.66s); Veruel Verdadero ng Dasmarinas, Cavite sa 100m boys 13-15 (10.95s); Sheila Taija ng Malay, Aklan Province sa girls 16-17 long jump (5.61m) at Jovanie Kasig ng Koronadal City sa boys 16-17 long jump (6.64m).

Nagwagi ri ang ginto sa taekwondo cadet girls division sina Shai Ferreras ng Makati sa flyweight; Ann Sharmaine Albarracin ng Cebu Province sa bantam; Kelly Ann Lada ng Davao City sa feather; Abigail Abing ng Cabadbaran sa light; Abigail Valdez ng Caloocan sa welter; Laizel Abucay ng Cagayan De Oro sa light middle; Xela Daprenine Paulengco ng Bocaue, Bulacan sa middle; Roxanne Candatu ng Pagadian City sa light heavy at Reign Charisse Ragutana ng Quezon City sa heavyweight. (Angie Oredo)