Habang isinusulat ang balitang ito, kritikal ang dalawang lalaki matapos pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay na umano’y nagalit dahil sa pang-iisnab ng mga biktima sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, magkasamang nakaratay sa isang ospital sina Ronaldo Francisco, 37; at Santos Mendoza, 28, kapwa residente ng Block 4, Bagong Sibol, Barangay 28 ng nasabing lungsod.
Nadakip naman sa follow-up operation ang suspek na si Mark Jay Lozano, 22, ng nasabing lugar.
Ayon sa report ni SPO2 Michael Rillon, dakong 10:30 ng gabi, naglalakad si Lozano sa kahabaan ng Ususan Street, Extension nang masalubong niya si Francisco.
Binati ng lasing na suspek ang biktima, ngunit hindi ito pinansin ng huli.
Nagalit si Lozano sa ginawa ni Francisco at bumunot ng patalim at inundayan ng saksak ang biktima.
Sinubukan umanong awatin ni Mendoza ang suspek, pero siya naman ang pinagsasaksak nito.
Inihahanda na ang kasong isasampa laban kay Lozano. (Orly L. Barcala)