LALO pang lumalaki ang panibagong gulo na kinasasangkutan ni Baron Geisler, na nagsimula nang ihian niya si Ping Medina sa eksenang kinukunan para sa kanilang indie film na Bubog.

Sa latest post ni Baron sa Facebook, ipinaliwanag niya kung bakit niya inihian si Ping.

Sabi ni Baron, sa umpisa pa lang daw ay nakakarinig na siya ng ilang negatibong bagay sa pakikipagtrabaho kay Direk Arlyn dela Cruz. Pero sa ganda raw ng materyal, tinanggap niya ang proyekto.

“Bago ko po tinanggap ang proyektong ito may mga ilan na nagsabi sa ‘kin na magulo makatrabaho ang direktor na ito.

Teleserye

Higop King Supremacy! Leading ladies na 'hinigop' ni Joshua Garcia sa teleserye

Bukod sa on the spot na papalitan ang character mo, may mga insidente na pabagu-bago ang mga nasa script.

“Pero dahil naging interesado ako sa ibinigay sa ‘kin na role, tinanggap ko po ang proyekto. Makalipas ang ilang linggo, nag-text sa ‘kin ang isa sa mga produksiyon upang ialok sa akin ang panibagong role. Napaisip ako dahil napag-aralan ko na ang script ng unang character na ibinigay nila sa akin. Sumagot ako, ‘Sige po, kung ano ang sa tingin mo, Direk na babagay sa akin.’

“Makalipas ang ilang araw nag-text na naman sila sa akin upang ipaalam na papalitan ulit ang character ko. Bilang isang artista, may karapatan ako na makaramdam ng inis sa papalit-palit na role. Dumating sa punto na nag-text ako na ayaw ko na sana tanggapin kung ganito sila kagulo kausap. Nag-text si Direk, gusto daw niya ako sa pelikula niya pero hindi daw niya ako pipilitin kung ayaw ko na,” salaysay ni Baron sa kanyang post.

Ang kanyang paliwanag sa urinating incident with Ping.

“Yung susunod na scene ipinaliwang na samin ni Direk ang mga gagawin, nag-rehearse. Nabitin ako sa gagawin, kaya lumapit ako kay Ping upang sabihin na may gagawin ako sa kanya at sana ‘wag siya magalit. Ganu’n din ang ginawa ko kay Direk. Sinabihan ko siya na may gagawin ako ngunit nagmamadali siya para matapos na kami, hindi na niya nagawang tanungin kung ano itong gagawin ko at sinabi na lang niya na, ‘Sige, gawin mo na lang (at) ‘wag mo na sabihin sa ‘kin.’ Bilang isang direktor, kailangan alamin mo pa rin upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari,” aniya.

“Kilala ko si Ping Medina, isa sa mga pinakamagaling na actor ng mga independent films, alam ko na ready siya sa lahat ng mga eksena na mabibigat at kung ano pa man. Kaya hindi sumagi sa isip ko ang magiging reaksiyon niya sa nangyari. Pagkatapos ng pangyayaring iyon, humingi ako ng tawad, kahit na naghamon siya hindi ako lalaban hindi dahil sa wala akong laban. Sinabi ko pa nga na sige handa akong sapakin niya sa mukha para kahit papaano mabawasan ang galit niya,” ani Baron.

Humingi ng kapatawaran si Baron kay Ping at umaasa siyang mapapatawad siya ng co-actor sa mga darating na araw.

“Ganu’n pa man, alam ko na meron din akong pagkakamali kaya humihingi ako ng tawad kay Ping. Pare, pasensiya na. Kung ano man ang mga sinabi mo sa media, okay lang. At kung ano pa man ang sasabihin mo okay lang din. Alam ko na maaayos din ang lahat, aantayin ko na lang ‘yung araw na magiging maayos din ang lahat sa atin,” pagsusumamo ni Baron kay Ping. (ADOR SALUTA)