Dalawa sa limang suspek sa panghahalay ang naaresto ng mga tauhan ng Pasay City Police matapos umanong lasingin bago halinhinang ginahasa ang 14-anyos na babae sa Pasay City, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Pasay City Police chief Sr. Supt. Laurence Coop ang mga naarestong suspek na sina Alan Kevin Muyco, 24, seaman, ng No.160-A Progreso Street, Barangay 20 ng nasabing lungsod, at isang menor de edad na kinilala sa alyas na “Arnold”.

Kasama sa inaresto ng mga pulis ang nobya ni Muyco na si Rossel Veron, 20, sales demo, ng No.744 M. Pateneo St., Bgy. 30, Pasay City, na sinasabing nangbugaw sa biktima.

Sa ulat ni Chief Insp. Rolando Baula, hepe ng Station Investigation and Detective Managament Branch ng pulisya, dakong 10:00 ng gabi nangyari ang panghahalay sa mismong bahay ni Muyco.

National

5.9-magnitude na lindol, yumanig sa Southern Leyte; Aftershocks at pinsala, asahan!

Bago ang insidente, niyaya umano ni Veron ang biktima na mag-inuman sa bahay ng kanyang nobyo na pinaunlakan naman ng biktima.

Pagdating ni Veron at ng biktima sa bahay ng suspek ay nadatnan umano nilang nag-iinuman na sina Muyco, Arnold at tatlo pang lalaki at agad pinatagay ang biktima hanggang sa ito’y malasing.

Dito na umano halinhinang hinalay ng limang suspek ang biktima hanggang sa magising ito na wala na siyang kasama sa naturang bahay.

Nagpasya ang biktima na magsumbong sa kanyang magulang at siya’y sinamahan sa Women’s Children Protection Division (WCPD) upang ireklamo ang mga suspek.

Sa isinagawang follow-up operation, tuluyang nadakip ang magkasintahang Muyco at Veron at si Arnold.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law ang dalawang suspek, habang tinutugis ang tatlo pang suspek. (Bella Gamotea)