Nagpahayag ng pagkabahala kahapon ang Department of Health (DoH) kaugnay ng patuloy na pagdami ng mga taong nagpopositibo sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immunodeficiency syndrome (AIDS) sa bansa; sinabing gagamit na ito ng estratehiyang “business unusual”, kabilang na ang pamimigay ng condom sa mga paaralan.
“The DoH sounds the alarm on the HIV/AIDS epidemic in the country. It is increasing every day,” sabi ni DoH Secretary Paulyn Jean Ubial sa paggunita ng 2016 World AIDS Day kahapon.
“We call on the community: We have to develop a business unusual strategy, not the business as usual. This means it will not just be in health centers at hospitals. It is really going down to the communities, to the households, involving the parents, the education sector, the teachers, and involving the community,” ani Ubial.
Simula taong 2011, sinabi ni Ubial na nagkaroon ng biglaang pagdami ng mga kaso ng HIV/AIDS, kabilang na sa kabataan.
Mula 1984 hanggang Oktubre 2016, may kabuuang 38,114 kaso ng HIV na sa bansa – kumpara sa 32,099 na naitala mula 2011 hanggang 2016 lamang.
Sa mga edad 15-24, may kabuuang 10,279 na kaso ng HIV simula 1984; na 9,066 ang naitala noon lamang 2011.
Sa ilalim ng estratehiyang “business unusual”, sinabi ng kalihim na plano na nila ngayon na mamahagi ng condom sa mga paaralan, partikular na sa mga school clinics, upang matulungang imulat ang mga estudyante sa panganib ng HIV/AIDS.
(Charina Clarisse L. Echaluce)