Isa pang matinding pagsubok ang susuungin ng sorpresang lider Blackwater sa pakikipagharap sa Talk ‘N Text sa unang laro ngayong hapon ng OPPO-PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Itataya ng Elite ang malinis na kartang 2-0, sa pagsagupa sa Katropa ganap na 4:15 ng hapon na susundan ng tapatan ng Globalport at Star sa tampok na laban ganap na 7:00 ng gabi.

Sa pamumuno ni top rookie pick Mac Belo, naitala ng Elite ang pinakaimpresibong panimula kaya naniniwala si head coach Leo Isaac na nakuha na nila ang respeto ng iba pang koponan sa liga lalo na sa ikalawang panalong nakamit kontra Meralco.

“Other teams would be preparing harder for us,” pahayag ni Isaac.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“With this 2-0 record and with this convincing win over Meralco siguro asahan na namin na other teams will be focused on how they can beat us.”

Inaasahang mapapalaban ng husto ang Elite kontra Katropa na muling makakasama ang ace guard nilang si Jayson Castro.

Hindi nakalaro ang two-time FIBA Asia Best guard awardee dahil sa iniindang injury sa paa. (Marivic Awitan)