SI Alessandra de Rosi pala ang tunay na ina ni Onyok sa FPJ’s Ang Probinsyano base sa episode na napanood nitong Miyerkules.
Timing ang pagtutok namin ng Probinsyano sa paglabas ng karakter ni Alessandra na habang pinapanood sa telebisyon ang pagkakahuli kay Cardo (Coco Martin) ay nanumbalik sa kanyang alaala ang sanggol na iniwan niya sa gate ng kumbento at si Onyok na nga iyon na Honorio pala ang tunay na pangalan base sa hawak na bimpo.
Marahil ay sinubaybayan ng karakter ni Alessandra kung kanino ipinaampon si Onyok at nalaman niya na si Cardo nga ang nag-aalaga. Hindi siya nagpapakita dahil alam niyang nasa mabuting kalagayan ito, pero ngayong nakulong ang tatay-tatayan ng bagets, iniisip niyang bawiin na si Honorio.
Mahusay ang pagkakahabi ng kuwento ng Ang Probinsyano. Ayaw nang mag-aral ni Onyok na nami-miss ang tatay niya na nang dalawin nila sa kulungan ay ayaw namang palabasin ng mga guwardiya kaya umiyak at nagwala.
Saka naman bubuksan ang bagong conflict sa serye, na dahil nakakulong nga si Cardo ay wala siyang magagawa kapag binawi na ni Alessandra ang anak.
Curious din kami kung asawa na ba ni Alessandra si Christopher Roxas at kung may anak sila.
Ang isa pang subplot na puwedeng mangyari, baka makipagtulungan si Agot Isidro kina Ms. Susan Roces para malaman na nito ang katotohanan sa pagkakakulong kay Cardo bukod pa sa pagkakakilanlan sa pumatay sa kakambal nitong si Ador.
Ang tanong, kaya bang ipahamak ni Agot ang anak niyang si Arjo Atayde na siyang pumatay kay Ador?
Siksik at painit nang painit ang kuwento ng FPJ’s Ang Probinsyano kaya patuloy ang pangunguna nito sa ratings game.
(Reggee Bonoan)