Inihayag kahapon ng militar na 11 drug suspect, kabilang ang dalawang leader ng sindikato ng droga, ang naaresto sa pinag-isang law enforcement operation sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, nitong Miyerkules.

Sinabi ni Army Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), na nasamsam din sa nasabing operasyon ang matataas na kalibre ng baril at drug paraphernalia.

Ayon kay Tan, ipinatupad ng mga tauhan ng 1st Mechanized Infantry Battalion, 1st Mechanized Brigade, Philippine Drug Enforcement Agency-Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM) at Datu Odin Sinsuat Police ang mga search warrant laban kina Aya Balabaran, alyas “Commander Biente”, sa Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat; at Lamie Mamasabakulod, alyas “Commander Lawin”, kagawad ng Bgy. Tabian, Datu Odin Sinsuat.

Naaresto sa operasyon si Balabaran at nakumpiskahan umano ng dalawang malalaking heat-sealed transparent plastic sachet at pitong maliliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu, na nasa 51 gramo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Arestado rin ang isang Normina Abdula Tampugao, na may 259 na piraso ng maliliit na plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Nakarekober din ang mga awtoridad ng isang M-16 rifle na nakakabitan ng M203 grenade launcher, dalawang M16 rifle, tatlong M14 rifle, apat na pistol at isang improvised shotgun, dalawang 40mm M79 rifle grenade, at iba’t ibang magazine at bala.

Sa operasyon sa Bgy. Tapian, Datu Odin Sinsuat ay naaresto naman sina Mamasabakulod at Almendras Sanday Mama, Jr., kasama ang pitong umano’y adik.

Nasamsam sa kanila ang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu, isang M16 rifle, isang .45 caliber pistol, iba’t ibang magazine at bala at drug paraphernalia. (Francis T. Wakefield)