NGAYON, siguradong maraming tao ang magkakabit ng pulang laso sa kanilang damit upang ipahayag ang pakikiisa sa paggunita ng World AIDS Day, lalo na iyong mga nakikipaglaban sa nasabing kondisyon. Unang ginunita noong 1988, ang World AIDS Day ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing Disyembre 1 upang magkaisa ang mga bansa sa laban kontra sa Human Immunodeficiency Virus/Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV/AIDS), kumalap ng suporta para sa mga may HIV, at alalahanin ang mga pumanaw sa mga sakit na may kaugnayan sa AIDS.
Ang araw na ito, ipinagdiriwang din ng lahat ng UN member state, ay nagsisilbing paalala sa publiko at gobyerno na ang HIV ay nagtatagal, at kinakailangan ng tuluy-tuloy na suporta, public awareness, iwasang manghusga, at dagdagan ang kaalaman.
Base sa Joint United Nations Program on HIV/AIDS (UNAIDS) Prevention report, aabot sa 1.9 milyong adult ang nagkaroon ng HIV taun-taon sa nakalipas na limang taon at ang bilang ng bagong HIV infection ay tumataas sa ilang rehiyon.
Ngayong taon, pinili ng UNAIDS ang temang “Hands Up for #HIVPrevention” para sa World AIDS Day. Layunin nitong alamin ang iba’t ibang aspeto ng HIV prevention at kung paano ito naiuugnay ng isang grupo ng mga tao, gaya ng mga dalaga at mga batang babae.
Inilunsad nitong Setyembre, ang kampanya ay nag-alok ng espasyo sa mga tao upang ipahayag ang kanilang kaalaman kung paano maiiwasan ang HIV sa pamamagitan ng litrato ng isang salita o katagang nakasulat sa kanilang mga palad, o isang 30-second video message.
Sa kabila ng scientific advances sa HIV treatment, ang legislation na pumoprotekta sa mga taong may HIV, at may tamang pag-unawa tungkol sa kondisyon, marami pa rin ang hindi nakakaalam kung paano nila poprotektahan ang sarili at ang ibang tao laban sa nasabing kondisyon, at nananatili pa ring mapanghusga ang mga tao.
Ang pulang laso ay nananatiling universal symbol of awareness at suporta para sa mga taong may HIV. Pula ay piniling kulay para sa laso dahil ito ay nagpapakita ng katapangan at litaw na litaw, ito ay simbolo ng silakbo ng damdamin, puso at pagmamahal
Sa ating paggunita sa World AIDS Day 2016, makiisa tayo sa paghahatid ng tamang impormasyon tungkol sa HIV. Gaya ng pakiusap ni UNAIDS Executive Director Michel Sidibe sa lahat, “Let us seize this opportunity and join the fast-track towards ending AIDS as a public health threat by 2030.”